Nagkaroon Ka na ba ng butlig na may tubig? Noong una mo itong naranasan, ano ang naging pakiramdam mo? Makati ba, mahapdi, o parang wala lang? Pero aminin mo, noong first time ng paglitaw ng butlig na ito sa katawan mo ay natakot ka. Feeling mo bulutong ito. O, kung nagka-bulutong ka na, marahil, kung ano-ano na ang naiisip mong mayroon ka sa pagkakaroon lamang ng ganitong klaseng butlig. Hindi ka naman masisisi sa ganitong pakiramdam. Natural lang na mag-alala pero huwag mag-panic. Dapat lang alam mo kung ano ang dahilan ng pagkakaroon mo nito at ano ba ang posibleng panganib na dulot nito.
Tutulungan ka ng artikulong ito para matukoy ang mga kadahilangang iyon. Narito ang iba pang mga mahalagang kaalamang dapat mong malaman:
- Ano ang butlig na may tubig
- Mga ibat-ibang dahilan ng butlig na may tubig
- Mga sintomas nito ayon sa mga sakit at komplikasyong naranasan o nararanasan
- Mga mapanganib na sakit na may sintomas ng butlig na may tubig
- Ibat-ibang sakit na may sintomas ng butlig na may tubig
Mga katotohanan tungkol sa butlig na may tubig
Ang butlig o paltos ay tinatawag ng mga medical professional na vesicle. Ito ay tumutubo sa ibat-ibang bahagi ng balat. Ito ay isang uri ng rashes o pantal na kapag tumagal ay nagkakaroon ng tubig o fluid. Ang karaniwang sanhi ng paltos at butlig na may tubig ay kapag ang balat ay naiirita. Ang resulta: nagkakaroon ng tubig sa pagitan ng balat na nagiging sanhi ng pagkakaroon ng tubig sa ilalalim na bahagi ng balat.
May mga bultig na may tubig na sanhi ng mga sakit at impeksyon. Kaya naman kapag nakaranas ng hindi pangkarainwang butlig na may tubig, mainam na kumonsulta sa sa doktor.
Mga dahilan ng butlig na may tubig
Naranasan mo na ba na pagkagising mo, bigla nalang may nakita kang butlig na may tubig sa katawan mo nang wala man lang ni isang senyales na magkakaroon ka nito? Nakakainis, hindi ba? Narito ang ilang mga kadahilanan at sakit ng nagdudulot ng pagkakaroon ng nasabing butlig:
- Cold sore – isa itong uri ng butlig na tumutubo sa labi o kaya malapit sa bibig na namumula at masakit. Sa simula, parang napaso lamang ito. Ngunit kapag tumagal, ito ay nagiging butlig na may tubig.
- Herpes simplex – ang dahilan ng ganitong kondisyon ay ang mga virus na HSV-1 at HSV-2. Ang ganitong uri ng butlig na may tubig ay masakit at kung minsan ay may kasama pang sinat. Maliban sa dito, kapag tumagal ay nagkakaroon na ng nana. May mga pagkakataon ding sinasabayan pa ang karamdaman ng pananakit ng katawan, sakit ng ulo at kawalan ng ganang kumain. Ang ganitong uri nga sakit ay maaaring maging pabalik-balik kapag na-stress, may regla regla, o kapag na-expose sa araw ang pasyente.
- Genital herpes – ang ganitong sakit ay dulot ng STD o sexually transmitted disease na sanhi rin ng HSV-1 at HSV-2 na mga virus. Isa itong uri ng herpetic sore kung saan ang mga butlig na may tubig, kung minsan, ay malalaki na parang bukol na ang itsura. Sa simula, nangangati ang apektadong balat. Kapag tumagal na, ito ay nagiging butlig na may tubig. Ang iba pang sintomas nito ay kulani, sinat, at sakit ng ulo at katawan.
- Impetigo o Mamaso – ang sakit na ito ay karaniwan sa mga bata at sanggol. Madalas ang apektadong bahagi kung saan tumutubo ito ay sa palibot ng bibig, baba, at ilong. Ang mga butlig na may tubig, kung minsan ay napipisa at nagiging parang kulay honey ang sugat.
- Paso – ang paso ay nagiging dahilan din ng butlig na may tubig at paltos. Ang butlig ay maaaring malala, maaari rin namang hindi. Ang first-degree burn ay nagiging sanhi ng pamunula ng balat. Samantala, ang second degree naman ay dahilan para magkaroon ng butlig na may tubig at paltos. At ang third degree na paso ay mas malala dahil nasusunog na ang balat at hindi ito puwedeng hawakan o galawin dahil baka matanggal o matuklap ang sunog na balat. Kapag ang paltos o butlig ay nasa third degree, pinakamainam na magpatigin na kaagad sa doktor.
- Contact dermatitis – ang ganitong uri ng butlig ay sanhi ng allergy. Nangyayari ito 24 oras matapos ang exposure sa mga bagay o makakain ng mga pagkaing hindi hiyang sa pasyente kaya ito ay nagiging sanhi ng allergy. Sa simula, namumula at nangangati lamang ang apektadong balat. Ngunit kapag tumagal na, ito ay nagiging dahilan na ng butlig na may tubig.
- Stomatitis – sa ganitong kondisyon, ang nagiging apektado ay ang loob na bahagi ng bibig. Ang mga sanhi nito ay stress, injury, o sanhi ng pagiging sensitibo ng balat. Minsan, ang butlig ay dahil din sa sakit. May dalawang uri ng stomatitis. Ang una ay ang hepes stomatitis o cold sore. Ang pangalawa naman ay apthous stomatitis o canker sore. Ang mga snitomas ng herpes stomatitis ay lagnat, pananakit ng katawan, pamamaga at kulani, at masakit na butlig na may tubig sa bibig at labi na kung minsan ay napipisa na at nagiging sugat.
- Frostbite – ang dahilan ng ganitong kondisyon ay sobrang lamig. Ang karaniwang bahagi ng katawan na apektado nito ay ang mga daliri, paa, ilong, tainga, pisngi at baba. Ang mga sintomas na maaaring maranasan ay mga pantal na magaspang na kapag tumagal ay nagiging butlig na may tubig, pagdurugo, o minsanang pamamanhid ng pakiramdam. Ang ganitong kondisyon ay nangangailangan na ng medikal na atensyon o pagpapatingin sa doktor.
- Shingles – isa itong uri ng rashes na masakit at makati na kapag tumagal ay nagiging butlig na may tubig. Kung minsan, ang ganitong kondisyon ay may kasabay na mga sintomas na panginginig, sinat, sakit ng ulo at pagkaramdam ng pagod o pagkahapo.
- Dyshidrotic eczema – sa ganitong kondisyon, nagkakaroon ng butlig na may tubig sa mga bahagi ng kamay at paa. Hindi pa matiyak ang tunay na dahilan ng sakit na ito, ngunit iniuugnay ito sa allergy ng ilang mga doktor. Nagsisimula ang mga sintomas nito sa pangangati ng kamay at paa na kapag tumagal ay nagkakaroon na ng butlig na may tubig.
- Pemphigoid – ang dahilan ng ganitong kondisyon ay mahinang immune system. Maraming uri ng pemphigoid. Ito ay nag-uumpisa sa pamamantal o pagkakaroon ng rashes na kapag tumagal ay nagiging butlig na may tubig. Ang palibot ng apektadong balat nito ay nangingitim kapag ang butlig ay napisa. Ito rin ay nagiging masakit pagtagal.
- Pemphigus vulgaris – isa itong uri ng sakit na sanhi ng mahinang immune ngunit ito ay bihirang maranasan. Ang mga butlig na may tubig ay maaaring tumubo sa ibat-ibang bahagi ng katawan tulad ng bibig, lalamunan, ilong, mata, maselang bahagi ng katawan, puwit at baga. Ang mga butlig na may tubig na kung minsan ay mayroong dugo ay nagdudulot ng sakit. Ito rin ang nagiging dahilan kung bakit nahihirapang lumunok ang pasyente kapag ang lalamunan ay apektado na ng naturang karamdaman.
- Allergic eczema – ang dahilan ng sakit na ito ay allergy. Ang mga sintomas na maaaring maranasan ay pangangati ng balat, namumula at parang napasong balat na kapag tumagal na ay nagiging butlig na may tubig.
- Chickenpox o bulutong – ang sakit na ito ay dahilan sa virus. Ang mga posibleng sintomas ay pangangati at pantal sa balat na kapag tumagal ang nagiging butlig na may tubig. Ang iba pang sintomas nito ay lagnat, pananakit ng katawan sore throat, at kawalan ng ganang kumain.
- Erysipelas – isa itong bactrerial infection dahilan sa streptococcus bacterium. Ang mga sintomas nito ay lagnat, panginginig at pananakit ng katawan.
Ngayong alam mo na ang iba’t-ibang uri ng butlig na may tubig at mga posibleng sintomas nito, natukoy mo rin ba kung alin sa mga nabanggit ang naranasan mo? Para naman sa mga hindi pa nagkakaroon ng ganitong sakit sa balat, mas madali mo nang matutukoy ang mga dahilan ng pagakakaroon mo ng butlig na may tubig. Madali mo ring malalaman kung anong klase ng paltos o butlig mayroon ka. Ang mga sakit na ito ay dapat lamang na magkaroon ng medical na atensyon o matingnan ng doktor. Siya lamang ang maaaring magsagawa ng mga pagsusuri para matukoy ang sanhi at puwedeng maging komplikasyon nito. Ang doktor din ay magbibigay ng tamang gamot ayon sa mga dahilan at sintomas nito.