Ang Cervical cancer ay nakakaapekto sa pasukan ng bahay-bata(womb). Ang cervix ay ang makipot na bahagi ng ibabang matris, kilala rin ito sa tawag na “kwelyo ng matris”.
Ayon sa American Cancer Society, may naitala na 12,280 diagnosis ng cervical cancer noong 2017 sa Estados Unidos at mahigit 4,000 babae rin ang namatay sa parehong taon.
Karamihan sa mga kaso ng cervical cancer ay sanhi ng HPV (human papillomavirus). Ang HPV vaccine ay matagumpay na pumipigil sa HPV at inererekomenda ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) na bakunahan lahat ng mga dalagang babae.
Facts tungkol sa Cervical cancer
- Sa Pilipinas, mahigit 1,000 na babae ang nadadagdag taon-taon sa bilang ng may invasive cervical cancer.
- Ang pagkakaroon ng maraming sexual partners at ang pakikipagtalik ng maaga ay isang risk factor.
- Mataas ang survival rate kung maagang malalaman na may cervical cancer.
- Kabilang sa mga sintomas ay ang pagdurugo pagkatapos makipagtalik.
Mga Sintomas at Maagang Senyales ng Kanser sa Matris
Sa paunang bahagi ng cervical cancer, ang tao ay maaring walang maranasan na anumang sintomas. Dahil dito, ang kababaihan ay dapat regular na kumuha ng cervical smear, o Pap smear.
Ang Pap smear o Papanicolaou test ay isang paraan ng cervical screening upang maagang ma-detect ang potensiyal na pre-cancerous at cancerous processes sa matris.
Ang pinakaraniwang sintomas ng cervical cancer ay:
- Pagdurugo kahit hindi panahon ng regla
- Pagdurugo pagkatapos makipagtalik
- Pagdurugo kahit menopause
- Pananakit ng balakang
- Kirot habang nakikipagtalik
- May dugo at mabahong vaginal discharge
Ang mga sintomas na ito ay maaring sanhi rin ng ibang sakit kaya sinuman na makakaranas ng alinman sa mga sintomas na ito ay kailangan kumunsulta sa doktor.
Ano ang mga sanhi ng kanser sa matris?
Ang Cancer ay resulta ng hindi mapigilang pagdami ng abnormal cells. Marami sa mga cells ng ating katawan ay may lifespan at kapag ito ay namatay, mayroong mga bagong cells na papalit dito.
Ang abnormal cells ay may dalawang problema:
- Hindi sila namamatay
- Patuloy sila sa pagdami
Nagreresulta ito sa labis labis na dami ng cells na sa katagalan ay bumubuo ng lump, mas kilala sa tawag na tumor. Ang mga scientists ay hindi lubos nasigurado kung bakit ang mga cells ay nagiging cancerous.
Ngunit, mayroong mga risk factors na nakakadagdag sa posibilidad na magkaroon ng cervical cancer. Kabilang sa mga risk factor na ito ang sumusunod:
- HPV (human papillomavirus): Isang sexually transmitted virus. Mayroong higit 100 iba’t ibang uri ng HPV, 13 sa mga ito ay maaring magdulot ng cervical cancer.
- Paiba-ibang sexual partner at maagang pakikipagtalik: Ang HPV na nagdudulot ng cervical cancer ay madalas resulta na pakikipagtalik sa isang taong infected nito. Ang mga babae na maraming sexual partners ay may mas mataas na posibilidad na mahawa ng HPV, ito’y maaring magresulta sa cervical cancer.
- Paninigarilyo: Nagpapataas ito sa posibilidad na magkaroon ng cervical cancer at iba pang uri ng cancer.
- Mahinang Immune System: Ang risk ay mas mataas lalo na sa mayroong HIV o AIDS, dumaan sa transplant, at mga taong umiinom ng immunosuppressive medications.
- Matagal na mental stress: Ang mga taong matagal ng dumaranas ng matinding stress ay mas mahihirapan na lumaban sa HPV. Ang isang pag-aaral na inilathala noong 2016 ay sumusuporta dito. Nalaman na mga researchers na: “Ang mga babae na mayroong self-destructive coping strategies, tulad ng labis na pag-inom ng alak, paninigarilyo, at paggamit ng ipinagbabawal na gamot, ay may mas mataas na posibilidad na magkaroon ng aktibong HPV infection”.
- Panganganak sa maagang edad: Ang mga babae na nanganak bago ang edad na 17 ay mas mataas ang tyansa na magkaroon ng cervical cancer kumpara sa mga babaeng unang nagsilang noong sila’y 25 taong gulang na.
- Ilang beses na panganganak: Ang mga babae na higit sa tatlo ang anak ay mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng cervical cancer kumpara sa mga babae na kailanman ay hindi nanganak.
- Birth control pills: Ang matagal na paggamit sa mga contraceptive pills ay nagpapataas ng kaunti sa posibilidad ng cervical cancer.
- Iba pang sexually transmitted diseases (STD): Chlamydia, gonorrhea, at syphilis ay nagpapataas sa risk na makakuha ng cervical cancer
- Obesity: Ang labis na katabaan ay sangkot sa maraming uri ng karamdaman. Ang labis na katabaan o pagiging obese ay nakakapagpataas ng posibilidad na magkaroon ng cervical cancer.
Labis na Katabaan, maaring dahilan ng Cervical Cancer
Ang obesity ay may hatid na masamang epekto sa iba’t ibang problema sa kalusugan, mula sa mataas na blood pressure, sakit sa puso, sleep apnea, problema sa paghinga hanggang sa gallstones. Sa kababaihan, ang labis na katabaan ay nakakapagpataas ng levels ng estrogen, ito’y maaring mauwi sa endometrial cancer, isang kondisyon na nakakaapekto sa lining ng matris.
Ang tangkad at timbang ay kabilang sa mga risk factors ng endometrial cancer at cervical cancer.
Upang malaman kung nakakaapekto ang obesity sa posibilidad na magkaroon ng cervical cancers, nagsagawa ng isang pagsusuri sa 560 na kababaihan: 124 ay diagnosed with adenocarcinoma (isang uri ng cervical cancer na sanhi ng mataas na estrogen levels); 139 ay may squamous-cell cervical cancer; at 307 na walang cancer.
Kabilang sa kanilang natuklasan:
- Ang mga babae na mabigat, may mataas (high) na body mass index (BMI), at may malaking taba sa gitnang bahagi ng katawan ay mataas ang posibilidad na magkaroon ng adenocarcinoma.
- Ang mga babae na may BMI ng higit sa 30 (clinically obese) at “apple shaped” ang hugis ng katawan ay dalawang beses na higit ang posibilidad na magkaroon ng adenocarcinoma.
- Ang mga babae na may high BMI ay nasa mas matinding stages ng adenocarcinoma ng sila’y ma-diagnosed ng cancer, kahit na regular silang kumukuha ng Pap smears.
Bagama’t nangangailangan pa ng dagdag na pag-aaral, pinapagtibay ng resulta na ito na ang obesity ay maaring humantong sa ilang uri cervical cancer. Ang mga babaeng obese ay dapat kumunsulta sa kanilang physician upang malaman ang epektibong paraan sa pagbabawas ng timbang at para magkaroon ng kaalaman sa mga pagkaing low-fats. Regular din na dumaan sa Pap smears para maagang makita ang sintomas ng adenocarcinoma.
Mga paraan para maka-iwas sa kanser sa matris
Maraming hakbang ang maaring gawin para mapababa ang posibilidad na magkaroon ng cervical cancer.
- Human papillomavirus (HPV) vaccine – Tiyak at napatunayan na ang koneksiyon sa pagitan ng cervical cancer at ilang uri ng HPV. Kung ang lahat ng babae ay nakakatanggap ng HPV vaccination, malaki ang mababawas sa kaso ng cervical cancer.
- Safe sex / Ligtas na pakikipagtalik – ang HPV vaccine ay proteksiyon lamang laban sa dalang HPV strains. Marami pang ibang strains na maaring magdulot ng cervical cancer. Ang paggamit ng condom tuwing nakikipagtalik ay nakakatulong upang maproteksiyonan sa HPV infection.
- Regular na pagkuha ng Pap Smear – Malaki ang posibilidad na mabuhay kung maagang malalaman at mapipigilan ang cancerous cells. Inererekomenda na magpa-Pap Smear kada tatlong taon.
- Pagkakaroon ng kaunting sexual partners – Kapag paiba-iba at maraming sexual partners ang isang babae, mas mataas ang posibilidad na siya’y mahawa ng HPV Virus, ito’y maaring mauwi sa cervical cancer.
- Pakikipagtalik sa tamng edad – Mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng HPV infection kung bata pa lamang ay nagsimula ng makipagtalik.
- Pagtigil sa paninigarilyo – Ang mga babaeng naninigarilyo at may HPV ay mas mataas ang tyansa na magkaroon ng cervical cancer kumpara sa mga hindi naninigarilyo.