Ano Ba Ang Epektibong Gamot sa UTI?


CLICK HERE: Gamot sa Sipon na Garantisadong Epektibo!

Dahil sa ang UTI ay isang uri ng impeksyon, ang mabisang gamut sa sakit na ito ay antibiotics. Subalit may mga pagbabago sa lifestyle mo na maaari mong gawin para makaiwas o lunasan ang pagkakaroon nito.

Nakaramdam ka na ba ng hirap sa pag-ihi? May pananakit ka bang nararanasan habang ikaw ay umiihi at madalas ay iilang patak lamang ang lumalabas? Naku! Baka may UTI ka na? Kung pamilyar ka sa sakit na ito, siguradong alam mo kung ano ang ibig sabihin ng salitang UTI.

Pero kung hindi ka pa nagkakasakit ng ganito at wala ka alam na nagkaroon na nito, makatutulong ang artikulong ito sa iyo. Mahalagang malaman mo kung ano ito, ang mga nagiging sanhi at sintomas nito, maging ang mga gamot at kung paano makakaiwas sa karamdamang ito.

Ano ba ang UTI?

Ang UTI o Urinary Tract Infection ay isang uri ng impeksiyon sa bahagi ng urinary system. Maaring maapektuhan ng karamdamang ito ang kidneys na sumasala at nag-iipon ng dumi sa dugo upang maging ihi.

Puwede ring maapektuhan ng UTI ang uretero na siyang daluyan ng ihi na nanggagaling sa kidney, at ang bladder na nag-iipon ng ihi, at urethra na siyang daanan ng ihi palabas ng katawan.

Kadalasan, naaapektuhan ng UTI ang mababang bahagi ng urinary tract. Kasama na sa bahaging ito ang urethra at ang bladder. Ang lahat ng tao ay may posibilidad na makaranas ng sakit na UTI at ito ay hindi namimili ng edad. Subalit kadalasan, ang mba kababaihan ang dinadapuan ng ganitong impeksiyon kumpara sa mga kalalakihan. Ito ay dahil mas maiksi ang daanan ng ihi ng mga babae, kaya mas mabilis na nakakapasok ang mikrobyo na nagdudulot ng impeksiyon sa bladder, maging sa urethra o daluyan ng ihi.

Ano ang sanhi ng UTI?

Bacteria ang pinaka-nagiging sanhi ng impeksiyon sa urinary tract o UTI. Nagkaka-UTI ang isang tao kapag napasok na ng bacteria ang urinary tract mula sa urethra.

Ang urinary system ay may kakayahang iwasang makapasok ang itinuturing na bad bacteria, subalit may mga pagkakataon din naming hindi ito nangyayari o nagagawa. Kapag ganito na ang sitwasyon, nagpapaprami na ang bakterya sa loob ng katawan ng isang tao na siya naming nagdudulot ng impeksyon. Ang tawag sa impeksyon sa urethra ay urethritis.

Ang bakterya ay nakakapasok sa katawan ng isang tao sa maraming paraan. Una na rito ang pagpunas ng puwit na nagsisimula sa likod papuntang harap o sa parte ng ari, pagkatapos ng pagdumi. Ang dumi ang isa sa mga pinaka-pinagmumulan ng bakterya. Kadalasan, ito ay kumakalat sa paraan ng nabanggit na pagpupunas ng puwit at karaniwang nararanasan ng mga kababaihan.

Isa pang sanhi ng UTI ang pakikipagtalik kung saan, ang bakterya sa ari ay naitutulak patungong urethra. Maging ang mga karamdamang dulot ng pakikipagtalik gaya ng gonorrhoea at herpes ay maaari ring maging sanhi ng UTI.

Ang pagpipigil ng ihi ay nakapagpaparami ng bakterya sa pantog na siyang nagdudulot naman, ng impeksiyon. Ang tawag dito ay cystitis. Ang isang taong may sakit sa bato o kidney ay may malaki ring tsansa ng pagkakaroon ng UTI. Maging ang sakit na diabetes at ang immune system ng isang tao ay lumalala nang dahil sa impeksiyon gaya ng UTI.

Ano ang mga sintomas ng UTI?

Masakit na pag-ihi at paglabas ng nana sa daanan ng ihi ang karaniwang sintomas ng sakit na UTI. Kasama rin sa mga palatandaan nito ang pagkakaroon ng lagnat at dugo sa ihi.

Katulad ng ibang mga karamdaman, ang UTI ay may iba’t-iba ring mga sintomas o senyales. Mahalagang malaman ang mga indikasyong ito upang malaman mo kung ikaw ay may ganito na palang karamdaman. Ang isang taong may ganitong impeksiyon ay puwedeng makaramdam discomfort at pananakit sa mababang bahagi ng kaniyang katawan.

Puwede rin siyang makaranas ng maamang pakiramdam sa kaniyang abdomen at madalas, malakas na pakiramdam ng pag-ihi. Isa rin sa mga sintomas ang masakit na pakiramdam habang umiihi at madalas ngunit paunti-unting pag-ihi.

Importante ring tingnan ang itsura ng ihi. Kung ito ay kulay pula o pink, isa itong indikasyon na may kahalong dugo ang ihi.

Kung may masamang amoy o mapanghi ang ihi at sumasakit ang pelvic na bahagi para sa mga kababaihan, maaari ring senyales ito ng pagkakaroon ng UTI. Kung nananakit naman ang rectal area para sa mga lalaki, o di kaya naman ay nakakaramdam ng pagkapagod, nilalaganat at nanginginig, mga sintomas din ito ng UTI. Upang makasiguro, kumunsulta na kaagad sa doctor.

Ano ang gamot sa UTI?

Ang karaniwang gamot para sa UTI ay antibiotics. Ang ganitong klase ng gamot ang siyang epektibong pumapatay sa bakterya na nagiging sanhi ng impeksiyon.

Ang kaealasang inireresetang antibiotics sa mga may UTI ay Ciprofloxacin, Amoxicillin, at iba pa. Importante ang pagpapatingin muna sa doktor bago uminom ng gamot pangontra sa UTI upang malapatan ng tamang klase ng antibiotic.

Ang doktor ang siyang tanging nakakaalam ng tamang dosage o lakas ng gamot na irereseta sa pasyenteng may UTI. Madalas, ito ay pinapainom ng 3 to 5 araw depende sa klase ng impeksiyon mayroon ang isang pasyente.

Paano makaiiwas sa UTI?

Ang pag-inom ng maraming tubig araw-araw, malusog na at balanseng pagkain, tamang ehersisyo at malusog na mga kaugalian sa pakikipagtalik ay siyang pangunahing mga paraan para makaiwas sa UTI.

Bagama’t pangkaraniwan na ang sakit na UTI at lahat ng tao ay maaaring magkaroon nito, maaari namang maiwasan ito. Maraming paraan para hindi na dapuan ng karamdamang ito, o maiwasang lumala sa unang pagdapo pa lamang nito. Narito ang ilan sa mga paraan kung paano makakaiwas sa UTI:

  1. Ugaliin ang pagkakaroon ng malinis na katawan. Araw-araw na maligo at huwag kakalimutan ang paglilinis ng ari o puerta sa pamamagitan ng sabon. Para sa mga kababaihan, gawing regular ang paggamit ng feminine wash. Sa tuwing maghuhugas ng puwit, papalayo sa daluyan ng ihi o puwerta dapat ang direksiyon. Gawing regular ang pagpalit ng underwear at siguraduhing hindi masikip ang isinusuot na panty o brief.
  2. Magkaroon ng maganda at balanseng diet kabilang na rin dito ang pag-inom ng maraming tubig. Umiwas sa mga maaalat na pagkain at junk food o tsitsiriya.
  3. Huwag makikipagtalik sa iba’t-ibang kapareha dahil ito ay maaaring maging sanhi ng UTI at iba pang mga sexually-transmitted diseases. Iwasan ang ganitong mga aktibidades o gumamit ng condom upang mabawasan ang tsansa ng pagkakaroon ng impeksiyon. Siguraduhing makaihi matapos ang pakikipagtalik dahil ayon sa pag-aaral ng mga eksperto, ang gawing ito ay nakatutulong upang makaiwas sa sakit na UTI.

Laging tatandaan, ang UTI ay puwedeng maging indikasyon lamang ng mas delikado at seryosong karamdaman na kapag iyong napabayaan, maari itong magdulot ng matinding komplikasyon. Kaya naman mas mainam kung kokonsulta sa doctor kapag hindi na maganda ang nararamdaman.