Sintomas at Gamot sa Buni

Ang buni ay pangkaraniwan na lamang nating naririnig. Nagkaroon ka na ba nito? Madalas, alam lang natin na ito ay sakit sa balat. Pero alam mo ba ang nagiging sanhi ng pagkakaroon nito? Eh, ang gamot sa buni? Alam mo ba kung ano-ano ang mga ito? Ang daming tanong, ano? Kung hindi mo pa alam ang sagot sa mga tanong na ito, huwag mag-alala. Sa artikulong ito, matututunan mo ang mga mahalagang impormasyon tulag ng mga sumusunod:

  • Ano ang buni?
  • Dahilan ng buni
  • Mga sintomas nito
  • Mga ibat-ibang uri ng gamot sa buni
  • Tamang paraan ng paggamit ng mga gamot sa buni
  • Mga paraan para maiwasan ang buni

Ang buni ay isang uri ng sakit sa balat dahilan sa fungus na tinatawag na tinea. Ito ay nakatira sa mga patay na tissue ng balat, pati na rin sa kuko at anit. Ang buni ay nagiging dahilan ng pamumula at makating pantal sa balat. Kapag ito ay tumagal, ito ay nagiging hugis bilog sa balat. Maaring tumubo ang buni sa ibat-ibang bahagi ng balat ng katawan. Puwede rin itong tumubo sa anit, sa kuko, sa mga braso, paa at mukha. May mga gamot sa buni sa pamamagitan ng mga natural na paraan at remedyo na maaaring gawin kahit ikaw ay nasa bahay lang.

Dahilan ng buni

Bago mo tuklasin ang tamang gamot sa buni alamin mo muna ang posibleng dahilan ng sakit na ito. Nang dahil sa napakaraming mga yeasts, fungi, bacteria at mold na nasa ating paligid, ito ang siyang nagiging dahilan ng mga sakit sa balat. Ang mga sanhing ito sa sakit sa balat ay tinatawag na dermatophytes, na ang ibig sabihin ay fungi sa balat. Isa na sa mga sakit sa balat na ito ay ang buni. Ito ay nagiging sanhi ng fungi o fungus na tinatawag na tinea na nakatira sa mga patay na tissue sa ibabaw ng balat. Kung minsan ang buni ay tumutubo din sa anit at kuko, pati na rin sa iba pang bahagi ng balat at katawan.

Sintomas ng buni

Bago mo pa man tuklasin ang gamot sa buni, alamin mo muna ang mga sintomas nito. Ang buni ay nagsisimula sa mga mapula at makating pantal sa balat. Kapag tumagal ay lumaki ang naturang pantal, ito ay nagiging hugis bilog ito sa balat. Kadalasan, ang hugis bilog na pantal ng buni ay makinis, mapula at makati ngunit sa parte lamang na apektado. May mga buni namang kapag tumagal, nagiging makati, mapula at nagkakahugis-bilog na rin sa loob na bahagi.

Kapag ang pantal sa iyong balat ay hindi naman naging buni sa loob ng 2 linggo, dapat nang magpatingin sa doktor dahil baka ikaw ay may iba nang sakit o impeksyon na dulot ng pamamantal.

Gamot sa buni

Ngayong alam mo na ang posibleng sanhi at sintomas ng buni, ready ka na ba para malaman ang mga maaaring gamot dito? Ang buni ay nagdudulot ng hindi komportableng pakiramdam dahil makati ito, kaya naman nararapat lamang na gamutin.

Narito ang ilang mga gamot sa buni na maaari mong subukan:

Ang isa sa mabisang gamot sa buni ay antifungal

Ang antifungal ay puwedeng lotion, cream o powder. Ang mga ito ay nabibili over the counter o reseta ng doktor. Narito ang ilang mga gamot sa buni na mabibili o maaaring i-reseta ng doktor.

Mga antigungal na gamot sa buni:

  • Miconazole
  • Cotrimazole
  • Terbinafine

Pagkatapos hugasan ng tubig at sabon, lagyan ng gamot sa buni ang apektadong bahagi ng balat at ulitin ito ng 2-3 beses sa loob ng isang araw ayon sa direksyon na nakalagay sa label ng gamot o kaya naman ay, sa sinabi ng doktor.

Ang isa pang paraan para gumaling ang buni ay hayaan itong matuyo

Ang paglagay ng benda ay maaaring makapagpakulob ng buni at maging dahilan pa ng pag-moist nito at makapagdulot ng matagal na paggaling.

Sa halip na takpan o lagyan ng benda, hayaan na lamang itong matuyo. Makatutulong ang mga komportableng kasuotan o damit gaya ng sleeveless blouse o sando at short pants, para manatili itong tuyo at nakasisingaw.

Ang buni ay nakakahawa. Kaya naman iwasang mahawakan o makadikit sa balat ng iba, lalo na sa mga batang sensitibo pa ang balat at madaling mahawa.

Ang isa pang paraan para gumaling at huwag makahawa ang buni ay ang paglalaba araw-araw ng mga kumot at gamit sa higaan

Gumamit lamang ng sabon na banayad sa paglalaba at mainit na tubig. Ang mainit na tubig ay nakatutulong upang mamatay ang fungus.

Panatilihing tuyo ang underwaear at medyas

Kung mabasa man ito, dapa na palitan kaagad. Ang singit, kapag palaging basa dahil sa pawis ay puwedeng magkaroon ng fungus at maging dahilan ng buni. Samantalang ang paa naman, kapag pinapawisan at laging basa ang medyas, ay maaari ring magdulot ng buni. Laging linisin ang singit at paa gamit ang sabon at tubig. Panatilihin ding tuyo ang mga bahagi ng katawang ito.

Gumamit ng antifungal shampoo

Kung minsan, ang buni ay tumutubo sa anit kaya upang gamutin ito, kailangang gumamit ng antifungal shampoo. Ang mga sintomas ng impeksyon sa anit ay pangangati ng anit, pagkalagas ng buhok at malubhang bakalubak (dandruff).

Ang antifungal shampoo ay mabibili over the counter. Ang ganitong uri ng shampoo ay pumapatay ng fungus at nagpapagaling ng pamamaga.

Ang mga mabisang sangkap ng antigungal shampoo na gamot sa buni ay ang mga sumusunod:

  • Ketoconazole
  • Selenium sulfide
  • Pyrithione zinc

Ang paggamit ng shampoo ay makatutulong ngunit kailangan pa rin ng gamot sa buni kasabay ng paggamit ng ganitong klase ng shampoo.

Gamot sa buni kung paano ito gagamitin

Kapag gumamit ng mga gamot sa buni gaya ng shampoo, cream at powder, huwag tumigil hangga’t hindi pa ito gumagaling nang tuluyan. Ang panandaliang paggamit ng mga gamot na ito ay maaaring maging dahilan ng pag-ulit ng pagtubo ng buni sa balat kaya siguraduhing titigil lamang sa paggamit ng mga gamot na ito kapag tuluyan nang gumaling ang nasabing sakit sa balat.

Kapag sa kabila ng paggamit mo ng mga gamot sa buni gaya na lamang ng mga nabanggit at hindi pa rin gumagaling ang sakit, kumonsulta na sa iyong doktor. At, kapag sa loob ng dalawang linggo at hindi pa rin nawawala o gumagaling ang buni sa kabila ng mga epektibong panglunas, siguraduhin ang pagdulog sa espesyalista dahil baka mayroon nang ibang karamdaman sa balat maliban sa buni. Ang doktor ay magsasagawa ng mga pagsusuri para malaman ang iyong tunay na kondisyon. Siya rin ang mas nakakaalam at makapagbibigay ng tamang gamot.

Pano maiiwasan ang pagkakaroon ng buni?

Huwag isawalang-bahala ang buni. Ang pagkakaroon nito ay nagdudulot ng hindi komportableng pakiramdam. Mas makabubuti kung maiiwasan ang pagsulpot o pagtubo nito. Paano? Narito ang ilang pamamaraan:

  • Huwag ipagamit ang iyong mga personal na gamit gaya ng damit, tuwalya suklay at iba pa para maiwasan ang mahawaan ng buni
  • Palaging maghugas ng kamay
  • Alamin ang tungkol sa buni (ng tao man o hayop) para makaiwas dito

Hindi nga ba’t bagama’t pangkaraniwan na lamang sa pandinig, ang buni ay dapat agarang gamutin? Ang inaakala nating simpleng pantal o normal na sakit sa balat ay nakakahawa pala. Kaya naman para makaiwas, ugaliin ang pagiging malinis sa katawan. Kumain ng masusustansyang pagkain tulad ng gulay at prutas para magkaroon ng malusog na balat. At, kapag may mga sintomas nang naramdaman, kumunsulta na kaagad sa doktor para malapatan ng tamang gamot.

Leave a Comment

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Scroll to Top