Problema mo rin ba ang sakit sa balat na Eczema? Marahil ay hirap na hirap ka na sa discomfort na nararamdaman mo dulot ng sakit. Hiyang-hiya ka na rin siguro sa itsura ng sakit mo sa balat kaya hindi ka mapagsuot ng mga damit na gusto mo. Don’t worry. May gamot sa Eczema namang maaari mong subukan. Kailangan lang malaman mo kung ano-ano ang mga ito at alin ang mga ligtas gamitin at puwede nang bilhin ng over the counter.
Maraming tao na rin ang nakakaranas ng ganitong sakit, bata man o matanda. Sa artikulong ito, matututunan mo ang mga tamang impormasyong tutulong sa iyo upang malunasan sa tamang paraan ang eczema. Narito ang mga nilalaman ng artikulong ito:
- Ano ang eczema at kung paano nagkakaroon nito
- Mga dahilan ng eczema
- Ibat- ibang uri ng eczema at sanhi nito
- Mga sintomas ng eczema at komplikasyon nito
- Mga natural na paraan o gamot sa eczema
- Mga gamot sa eczema na pwedeng ibigay ng doktor
- Paano maiiwasan ang eczema
Ano ang eczema?
Kung minsan, alam lang natin ang salitang ‘eczema’ nang hindi naman natin iniintindi ang kabuong konteksto nito. Importanteng malaman ang bawat detalye ng sakit na ito. Ang eczema ay isang sakit sa balat kung saan naiirita, nangangati, namumula at namamaga ito. Ang isang karaniwang uri nito ay tinatawag na Atopic dermatitis (AD). Ang salitang atopic ay nangangahulugang allergy, at ang AD naman ay nangangahulugang pamamaga.
Dagdag pa rito, ang eczema ay isang nakaka-stress at hindi komportableng kondisyon at maaaring maapektuhan nito ang araw-araw na gawain. Ang walang tigil at matinding panagangati ay maaaring makapagdulot ng puyat o pagliban sa trabaho. Ang mga bata na mayroong eczema ay posible ring lumiban sa eskuwela, dala ng hindi komportableng pakiramdam at pangangati.
Bakit nga ba nagkakaroon ng eczema?
Maraming puwedeng dailan ng paglitaw ng eczema sa katawan. Subalit ang pinaka-pangunahin at tunay na sanhi ng sakit na ito ay hindi pa talaga matukoy. Subalit naniniwala ang mga eksperto na ang kapaligiran, maging ang genetic ay puwedeng makapagdulot ng eczema. Bagama’t sakit sa balat ang eczema at kadalasa’s nakakadiri ang itsura, ang sakit na ito ay hindi naman nakakahawa. Ngunit kapang ang mga magulang ay parehong mayroon nito, ibang uri na ng atopic disease ang posible ring dumapo sa kainlang mga anak.
Narito ang ilan sa mga sanhi ng eczema na dulot ng kapaligiran
- Mga produkto o pagkaing nakakairita sa balat gaya ng sabon, detergent, shampoo, disinfectants, katas ng prutas, gulay at karne
- Allergic reaction sa alikabok, balahibo ng hayop, amag, at balakubak
- Mikrobyo, virus at fungus (staphylococcus aureus)
- Mainit at malamig na panahon gaya ng sobrang init at sobrang lamig ng panahon
- Mga pagkain gaya ng itlog, pagkaing galing sa gatas, mani at iba pang kinakaing galing sa buto ng gulay o prutas, mga pagkain na galing sa soya
- Stress na hindi naman talaga ugat ng pagkakaroon ng eczema, subalit maaaring makapagpalala ng mga sintomas na nararamdaman
- Pagbabago ng hormones ng mga babae sa panahon ng kanilang buwanang dalaw o regla, o pagbubuntis
Ibang uri ng eczema maliban sa atopic
- Allergic contact dermatitis – ito ang eczema na sanhi ng mga bagay na hindi hiyang o allergy
- Dyshidrotic eczema – kadalasan itong makikita sa kamay at paa na na nagiging sanhi ng pagkakaroon ng mga paltos
- Neurodermatitis – ito naman eczema na makikita sa anit ng ulo,taas na bahagi ng kamay, pulso at ibabang bahagi ng paa
- Nummular eczema – mga bilog na pantal, mapula at makating balat
- Seborrhiec eczema – ito ay ang oily at yellowish na pantal at makating balat
- Statis dermatitis
Mga natural na gawain para sa gamot sa eczema
Kung mananaliksik, madidiskubreng wala naman talagang partikular na gamot sa eksema Sinasabing wala naman talagang gamot sa eczema. Kadalasan, ang mga gamot na ibinigay ay upang gamutin ang mga sintomas at apektadong balat. Tanging ang doktor lamang ang makapagbibigay ng gamot ayon sintomas at edad ng ng pasyente. May mga taong mabilis gumaling ang eczema. May mga pasyente namang tumatagal ang sakit at sintomas nito.
Kung ikaw o ang mahal mo sa buhay ay may eczema, may mga natural na remedyo kang puwedeng subukan o gawin. Makasisiguro kang ligtas ang mga gawaing ito, dahil garantisadong chemical-free ang mga ito. Narito ang ilan:
- Maligo ng maligamgam na tubig
- Maglagay ng moisturizer sa balat 3 minuto pagkatapos maligo
- Magsuot ng maaliwalas na damit at malambot na tela para maiwasang mairita ang apektadong balat
- Gumamit lamang ng banayad na sabong pampaligo
- Hayaang matuyo sa hangin ang balat pagkatapos maligo, ang sobrang pagpunas ng tuwalya ay maaaring makairita sa apektadong balat
- Iwasan ang mga gawain na puwede kang pagpawisan
- Alamin at iwasan ang mga puwedeng makapag-trigger sa eczema
- Panatilihing malinis at palaging gupitan ang kuko para kung sakaling makamot nang hindi sinasadya ang balat, ay hindi ito masugatan
Mga gamot sa eczema na maaaring ibigay ng doktor
Bukod sa mga natural na remedyo, may mga gamot sa eczema na maaaring ibiga o irekomenda ang doktor. Ang rekomendasyong ito ay ayon pa rin sa sintomas na nararamdaman. Ilan sa mga gamot na ito ay ang mga sumusunod:
- Topical corticosteroid cream at ointment – Ito ay mayroong anti-inflammatory na tumutulong upang mawala ang mga sintomas ng eczema. Ang ganitong gamot ay inilalagay sa apektadong balat.
- Systemic corticosteroid – Ito naman ay ini-inject o iniinom.
- Antibiotics – Ito naman ay ibinibigay kapag nagkaroon ng infection sa balat dahil sa matagal na ang eczema.
- Mga gamot gaya ng antiviral at antifungal – Ito naman ay ibinibigay kapag ang eczema ay tumagal na at nagkakaroon na ng infection.
- Antihistamine – Ito naman ay ibinibigay para maibsan ang pangangati sa gabi at makatulog ang taong may eczema.
- Topical calcineurin inhibators – Ito ay tutulong sa immune system para mabawasan ang pamamaga.
- Barrier repair moisturizers – Tumutulog ito upang huwag mawalan ng tubig at para maibalik sa dati ang balat
Kahit na ang eczema ay sinasabing wala naman talagang gamot, ang mga sintomas naman nito ay nalulunasan at maaaring maibalik sa dati ang balat.
Paano maiiwasan ang eczema?
Kapag ang eczema ay dulot ng allergy, iwasan mga bagay na maaaring maging dahilan nito. Ang simpleng pagpapalit ng mga gamit gaya ng kumot, punda ng unan, at paglalaba nito bago ito gamitin ay makatutulong na. Iwasan din na maging dry ang balat kaya gumamit ng moisturizer. Maligo ng maligamgam ng 10 hanggang 15 minuto at gumamit lamang ng sabong pampaligo na banayad.
Bawasan o tuluyan nang iwasan ang mababango at mga nakakairitang produkto sa balat. Huwag nang magsusuot ng mga magagaspang na tela ng damit na puwedeng makairita ng balat. Gumamit lamang ng mga komportableng damit at malalambot na tela nito.
Hindi rin makatutulong kung patuloy na kakamutin ang apektadong balat. Panatilihin na malinis ang buong katawan para makaiwas sa posibleng karagdagng impeksyon. Iwasan ang exposure sa pulosyon at mga gawaing maaaring pagpawisan.
Sadyang makaiiwas sa sakit na eczema kung patuloy na iiwasan ang mga bagay na nakapagti-trigger ng sakit na ito. Gaya ng nabanggit, bagamat sinasabing wala naman talagang gamot sa eczema, nalulunasan naman ang mga sintomas nito ayon sa mga dahilan o sanhi ng pagkakasakit. Alagaan ang katawan at kalusugan upang hindi magkaroon ng eczema at ibang pang mga karamdaman.