Minsan ka na bang nakaranas ng hirap sa paghinga? Nagpanic ka siguro nung una mo itong maramdaman. Marami ang dahilan ng hirap sa paghinga. Kaya naman ang paggamot dito ay hindi pare-pareho.
Minsan nga, hindi naman kailangang gamutin lalo na kung ang sanhi ng discomfort na ito ay dala lang ng panandaliang pagod o nerbiyos na kailangan lang kumalma at uminom ng tubig. Pero hindi rin naman dapag bale-walain ang ganitong kundisyon lalo na kung madalas ang pag-atake ng sakit at lumalala na.
Sa artikulong ito, madidiskubre mo ang mga pangkaraniwang sanhi ng hirap sa paghinga, mga dapat gawin at inumin pag umatake ito at kung paano ito maiiwasan.
Ano ang hirap sa paghinga?
Ang hirap sa paghinga ay nagdudulot ng pakiramdam na mabilis na pagtibok ng puso. Ang isang taong mabilis hingalin naglalakad ay nakararanas din ng hirap sa paghinga.
Kung tutuusin, ang ganitong pakiramdam ay normal lamang. Marahil lahat naman nang tao, bata man o matanda, ay nakaranas na ng hirap sa paghinga kaya normal na lamang na maituturing ang ganitong kundisyon. Halimbawa, ikaw ay nag-e-ehersisyo, ano mang klase ng physical activity iyan, siguradong magdudulot ng pagkahingal at hirap sa paghinga at ito ay normal lamang na pakiramdam.
Pero, paano naman kung nakaramdam ka ng ganito sa iyong paghinga nang wala ka namang ginagawa? Ready ka ba sa dapat mong gawin? Mainam na alam mo kung ano ang mga sanhi ng sakit na ito.
Ano ang sanhi ng hirap sa paghinga?
Ang hindi sapat ang hangin sa katawan, sakit sa puso at mataas na cholesterol, acid reflux at panic disorder ay ang mga pangkaraniwang sanhi ng kahirapan sa paghinga.
Para malaman mo kung bakit ka hirap sa paghinga, dapat ay maintindihan mo muna kung ano ang nagpapahirap sa paghinga mo. Puwede mong isiping kulang ka lang sa oxygen.
Pero importanteng malaman mo na ang paghinga ay may dalawang parte: ang respirasyon at bentilasyon.
Alin man dito sa dalawa, tiyak na magdudulot ng hirap sa paghinga. Narito ang ilan sa mga sanhi ng ganitong karamdaman:
- Hindi sapat ang hangin sa katawan
- Sakit sa puso at mataas na cholesterol
- Acid reflux
- Panic disorder
Ano ang mga sintomas ng hirap sa paghinga?
Ilan sa mga taong may sakit sa baga ay hirap sa paghinga kapag sila ay may ginagawa at kahit na ang kanilang gawain ay normal at ordinary lamang, sila ay humihingal pa rin. Iyan ang pangunahing sintomas ng kahirapan sa paghinga.
Ilan sa mga ordinaryong aktibidad na ito ang pag-upo at paglalakad sa kabahayan. Kapag ganito na ang naramdaman, mainam na kumonsulta na sa doktor. Kailangan na talaga ng professional help lalo na kapag nakaramdam nan g mga ganitong sintomas:
- Namamaga ang paa at sakong
- Hirap sa paghinga habang nakahiga
- Mataas ang lagnat na may kasamang pag-ubo at panginginig
- Nagiging kulay asul ang labi at mga kuko
- Tunog-pito na ang paghinga
- Mas lumalala pa ang hirap sa paghinga pagkakatapos gamitin ang inhaler
- Hindi pa rin makahinga ng ayos kahit pa nakapagpahinga na ng kalahating oras
Ano ang gamot sa hirap sa paghinga?
Ang gamot hirap sa paghinga ay nakadepende sa mga sintomas at sanhi nito.
Halimbawa, kapag natukoy na ng doktor na ang dahilan ng sakit ay problema sa baga o daluyan ng hangin, puwede siyang magreseta ng bronchodilator upang ma-relax mga daanan ng hangin at ang baga.
Kung ang matutukoy namang problema ay dulot ng anemia, ang pasyente ay puwedeng resetahan ng iron supplements.
Maari rin namang ituring na gamot sa hirap sa paghinga ang pagtigil sa paninigarilyo at pag-iwas sa alikabok dahil ang dalawang ito ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit nahihirapang huminga at possible pang lumalala ito bilang isang sakit.
Paano makaiiwas sa hirap sa paghinga?
Maiiwasan ang hirap sa paghinga at ito ay nagagamot naman sa pamamagitan ng mga paraan ng pag-inom ng gamot, pag-eehersisyo at paghinga.
Ang mga sumusunod ay iba’t-ibang paraan kung paano ka makakaiwas sa hirap sa paghinga, o, paano mo ito mako-kontrol sa paglala kapag ito ay umatake:
- Dahan-dahanin lang ang paggalaw-galaw
- Huwag pipigilan ang paghinga
- Siguraduhing nakaharap sa bentilador kapag nag-umpisa nang mahirapan sa paghinga para mahanginan ang iyong mukha
- Magbawas ng timbang kung ikaw ay overweight o medyo mataba
- Iwasan ang matataas na lugar
- Iwasan ang mga bagay na alam mong makapagpapalala pa ng iyong hika
- Iwasan ang polusyon sa loob at labas ng iyong bahay
Pinakamahalagang dapat gawin para makaiwas sa hirap sa paghinga ang pagtigil sa paninigarilyo. Ang mga benepisyong makukuha sa pagtigil sa bisyong ito ay hindi lamamang focused sa baga at paghinga mo, maging sa iba na ring sakit gaya ng sakit sa bato at iba pang bahagi ng katawan.