Ano Ang Mabisang Gamot sa Almoranas?

Ayon sa grado ng almoranas, ang sakit na ito ay maaaring gamutin sa bahay sa pamamagitan ng epektibong natural na mga pamamaraan. Ang malalang mga kaso ng almoranas ay nangangailangang maoperahan ng doktor.

Naranasan mo na bang magka-almoranas? O, may kakilala ka bang may ganitong karamdaman? Kung ang sagot mo sa isa o parehong tanong ay oo, marahil ay alam mo na kung ano ang sakit na ito. Alam mo na rin siguro kung paano nakukuha ang sakit, ang mga sanhi nito at maging ang mga maaaring gamut para malunasan ito. Kung ang sagot mo naman sa ay hindi pa at wala kang kaalam-alam sa sakit na ito, huwag kang mag-alala. Tutulungan ka ng artikulong ito na intindihing mabuti kung ano ba ang almoranas, mga sanhi at lunas nito.

Ano ang almoranas?

Ang almoranas o tinatawag ding hemorrhoids ay isang uri ng pamamaga ng mga ugat sa tumbong ng isang tao. Ito ay puwedeng magdulot ng hirap sa pagdumi.

Ayon sa isang wellness expert, madalas na nagkakaroon ng almoranas ang isang taong dumaranas ng hirap sa pagdumi ko constipation. Huwag papabayaan ang nararanasang madalas na constipation dahil pag nangyari ito, may posibilidad na mabarahan ng mga ugat na namamaga ang butas ng puwit ng isang tao.

May iba’t-ibang lebel o grado ng almoranas, ayon sa laki nito. Ito ay nasa Grade 1 o Unang Grado kapag ang almoranas ay mayroon nang kasabay na pagdurugo pagkatapos dumumi, subalit wala pang lumilitaw na mga ugat sa parte ng puwit.

Maituturing naming nasa Grade 2 o ikalawang grado ang almoranas kapag sumusungaw o lumalabas na ang namamagang ugat kapag dumudumi ang isang tao. Nasa Grade 3 o ikatlong grado naman ang almoranas kapag ang namamagang ugat ay kailangan pang itulak pabalik sa loob ng puwit sa tuwing matatapos dumumi.

Mayroon pang mas malalang grado ang almoranas-ang Grade 4 kung saan, makakaranas na ang pasyente ng pagbara ngugat sa butas ng puwit ng isang tao. Ang ibig sabihin nito ay, malaki na ang nakabarang ugat na kahit pa itulak ito pabalik sa loob ng puwit ay mahirap na o hindi na maibabalik pa sa normal.

Ano ang sanhi ng almoranas?

Napakaraming sanhi ng almoranas, ito ay ang edad, pagdadalang tao, pagtatae, pag-upo ng matagal, at uri ng mga kinakain.

Basahing mabuti ang ilan sa mga sanhi upang malaman kung ang hindi kumportableng pakiramdam sa iyong pagdumi at puwitan ay sanhi na pala ng almoranas.

  1. Edad – Maaaring ang lahat ng tao ay makaranas ng sakit na almoranas subalit hindi maikakailang madalas itong maranasan ng mga taong may edad 45 hanggang 65 taong gulang na.
  2. Pagdadalangtao – Maliban sa edad, ang mga nagdadalangtao ay may malaki ring posibilidad ng pagkakaroon ng almoranas.
  3. Pagkasira ng tiyan o diarrhea – Puwedeng magka-almoranas ang isang tapo pagkatapos niyang makaranas ng sakit na diarrhea. Madalas, pagkatapos makaranas ng pagtatae ang isang tao, siya ay tinitibi o nakakaranas ng constipation bilang epekto ng mga gamut sa diarrhea na ininom. At, katulad ng nabanggit na, ang pagtitibi ay maaaring makapagdulot ng sakit na almoranas.
  4. Pag-upo ng napakatagal o napakahabang oras – Nakapagdudulot ng napakatinding presyon sa tumbong ng isang tao ang pag-upo ng mahabang oras o panahon.
  5. Pagdi-diyeta – Dahilan din ng pagkakaroon ng almoranas ang maling paraan ng pagda-diet tulad ng hindi pagkain ng mga fiber-rich foods. Nakakapagdulot din ng almoranas ang madalas at regular na pag-inom ng alak at kape.

Ano ang mga sintomas ng almoranas?

Ang pangunahing sintomas ng almoranas ay ang masakit na puwet o tumbong. May nakausling bukol din na lumalabas sa puwet ng isang taong may almoranas.

Nararapat lang na malaman mo ang mga sintomas para kapag napansin o naramdaman mong mayroon ka ng isa o lahat ng mga indikasyon o senyales, makakahanap ka na rin kaagad ng gamut na panglunas. Narito ang ilan sa mga sintomas:

  • Dumudumi nang walang nararamdamang kahit na anong sakit ngunit may kasabay na paglabas ng sariwa at mapulang dugo sa dumi.
  • Masakit ang puwitan particular na sa tumbong. Ang pananakit na ito ay madalas na sanhi ng pagpaga ng almoranas.
  • Pangagati ng puwit o may nararamdamang iritasyon sa bahagi ng puwitan nang walang dahilan o hindi maipaliwanag nang maayos. Mainam na iwasan ang pagkamot ng nangangating bahagi kapag naranasan ito upang maiwasan ang impeksyon.
  • May namumuong bukol sa butas ng puwit na madalas lumalabas habang ang isang tao ay dumudumi. Ito ay maaaring lumala habang tumatagal.
  • Namamaga ang puwit na nagiging sanhi ng pamumuo ng bukol sa anus.

Ano ang gamot sa almoranas?

Ayon sa grado ng almoranas, ang sakit na ito ay maaaring gamutin sa bahay sa pamamagitan ng natural na mga pamamaraan. Ang malalang mga kaso ng almoranas ay nangangailangang maoperahan ng doktor.

May iba’t-ibang gamot sa almoranas. Ito ay ayon sa uri o grado ng almoranas na mayroon ang isang tao. Kaya naman, mali ang akala ng marami na hindi nagagamot ang sakit na ito. Ang ilan sa mga panglunas ng sakit na ito ay puwedeng gawin lamang sa loob ng bahay sa natural na pamamaraan. Ang iba naman ay nangangailangan ng expertise ng mga doktor. Maaari ring naming, ang almoranas malunasan sa pamamagitan ng mga gamot na nabibili sa botika.

Isa sa epektibong natural na pamamaraan ang tinatawag na Hot Sitz Bath. Ito ay ginagawa sa pamamagitan lamang ng malaking palanggana kung saan maaarang magkasya ang puwit at baywang ng isang taoo. Lagyang ang palanggana ng maligamgam na tubig hanggang sa mapuno ito.

Umupo sa palangganang puno ng maligamgam na tubig at ibabad ang puwit ng 10 hanggang 15 minuto. Para sa malala o mataas na grado ng almoranasa, baka kailanganin nang isailalim sa operasyon ang karamdaman. Mahalagang dumulog na sa doctor upang malaman kung kailangan nan gang magpa-opera.

Ang isa naman sa mga pinakamabisang gamot na nabibili sa botika ay ang Hydrocortisone Acetate. Ito ay nabibili over the counter bilang foam, suppository o cream. Ang suppository ay ipinapasok sa loob ng puwit habang ang cream at foam naman ay ipinapahid naman sa tinatawag na exterior haemorrhoids.

Paano makaiiwas sa almoranas?

Maaari kang makaiwas sa sakit na almoranas sa pamamagitan ng pagkain ng mga pagkaing rich in fiber, pag-inom ng maraming tubig, at pag-e-ehersisyo.

Narito ang mga paraan kung paano gawin ang mga nabanggit:

  1. Pagkain ng fiber-rich foods – Dalasan ang pagkain ng mga pagkain gaya ng peas, broccoli, brussel sprouts at iba pang mga gulay at prutas.
  2. Pag-inom ng maraming tubig – Uminom ng hindi bababa sa walong baso ng tubig araw-araw at ito ay dapat na sundin nang mahigpit.
  3. Pag-e-ehersisyo – Manatiling aktibo sa pisikal na aktibidad at gawing regular ang pag-e-ehersisyo para maiwasan ang constipation at mabawasan ang presyon sa ugat.