Alamin ang Mabisang Gamot sa An-An!

Nagkaroon ka na ba ng an-an minsan sa buhay mo? Kung tutuusin, ordinaryong sakit lamang ang an-an. Ito ay sakit sa balat na nagdudulot ng kaunting discomfort. Minsan, halos wala namang nararamdaman ang taong may an-an.

Halata lamang ito sa hitsura pero wala namang hindi masyadong magandang pakiramdam na nararanasan. Narito ang ilan sa mga mahahalagang dapat mong malaman tungkol sa an-an, kung ano ito, mga sintomas at sanhi nito, maging ang mga gamot at paraan ng pag-iwas dito.

Ano ang an-an?

Ang an-an ay isang uri ng karamdaman sa balat na sanhi ng fungal infection.

Kadalasan, ito ay dumadapo sa mga matatanda at bata. Nakikita ito bilang maliliit na kulay putting balat na kadalasa’y bilog ang hugis at puwedeng makita sa mukha, dibdib, tiyan, balikat o paa.

Kung medical term ang pagbabasehan, ang karamdamang ito ay tinatawag ding Pityriasis versicolor. Madalas na lumitaw ang sakit sa balat na ito sa mga taong may edad 15 hanggang 24 taon dahil ito ang edad kung saan napaka-aktibo ng sebaceous glands sa ating balat.

Ano ang sanhi ng an-an?

Impeksyon sa balat ang pangunahing sanhi ng pagkakaroon ng an-an.

Maraming puwedeng panggalingan ang an-an. Kung nag-aalala ka para sa anak mo na posibleng magkaroon ng ganitong sakit, mainam na alam mo kung anong sanhi. Maaari kang (o ang anak mo) magkaroon ng an-an kung:

  • Oily o mamantika ang balat
  • Naninirahan sa isang lokasyong mainit ang klima
  • Madalas magpawis o pawisin
  • Mahina ang immne system

Ayon sa mga medikal na pag-aaral, ang organismong sanhi ng ganitong karamdaman ay pangkaraniwan na sa balat ng tao. Kaya hindi tulad ng inaakala mo at ng iba, ang an-an ay sadyang hindi nakakahawa. Maaari nitong maapektuhan ang lahat ng kulay at uri ng balat pero mas karaniwan itong umaatake sa mga young adults at teenagers.

Ano ang mga sintomas ng an-an?

Ang asido na lumalasabas sa dumaraming fungi ang siyang nagiging sanhi ng pagbabago ng kulay na balat na naaapektuhan ng an-an.

Ito ay puwedeng maging patse o spots sa iba’t-ibang parte ng katawan. Ang mga sumusunod ang ilan sa mga sintomas ng an-an na maaari mong (o ng iyong anak) maranasan. sa karaniwang sintomas ng an-an.

  1. Patse sa balat na kulay pula, puti, rosas o kayumanggi na puwedeng maging mas matingkad pa o mapusyaw kaysa sa balat na nakapaligid sa may patse.
  2. Spots na hindi kapantay ng kulay ng ibang bahagi ng balat
  3. Ang spots o patse ay puwedeng dumami sa ano mang parte ng katawan pero ito ay mas nakikita sa dibdib, likod, leeg at mga braso
  4. Ang mga patse sa balat ay puwedeng mawala kapag lumalamig ang panahon pero bumabalik naman at maaaring lumala kapag uminit ang panahon. Maaari itong matuyo, maging Makati at mahapdi sa ilang mga pagkakataon

Sa pangkaraniwang kondisyon, matutukoy mong may an-an ka o ang anak mo kapag nakitaan mo ang balat mo ng mga sintomas at senyales na nabanggit sa itaas.

Para mas makasigurado ka, dapat nang kumonsulta sa dermatologist o doktor nang sa gayon, ang mga sintomas na ito ay malapatan ng propesyonal na lunas. Puwedeng kumuha ng sample ang doktor apektadong balat at suriin nang mabuti ang mikroskopyo. Ito ang pinaka-siguradong paraan para masabing may an-an ka.

Ano ang gamot sa an-an?

Kung sumangguni ka na sa doktor, puwede kang bigyan ng iba’t ibang gamot gaya ng shampoo, lotion o cream na puwedeng ilagay sa apektadong parte ng katawan.

Sa mga malalang kaso ng an-an may posibilidad nang mag-reseta ang doktor ng iinuming gamot o injection. Isa ang salicylic acid sa mga pinakamadalas gamitin para maibsan ang an-an. Ito kasi ang isa sa mga pinakamura at epektibong paraan ng panlunas ng sakit.

Mabibili ito sa botika over the counter at sa murang halaga. Mahusay din ang halamang gamot na akapulko bilang gamot sa an-an. Ito ay ginagamit sa pamamagitan ng pagpapatuyo ng balat pagkatapos maligo, at pagpapahid sa balat ng katas ng dinikdik na dahon.

Paano makaiiwas sa an-an?

Bagama’t pangkaraniwan at maaaring dumapo kanino man, ang an-an ay maaari namang maiwasan. Maligo lang ng higit sa isang beses araw-araw at makatutulong ito para maiwasan ang an-an.

Gumamit ng sabong may sulfur o sulfur soap para mapatay ang karamihan ng bakteryang sanhi ng mga kati-kati sa iyong balat.

Iwasan hanggat kaya, ang pagbibilad sa araw at iwasan ang paghiram at pagpapahiram ng mga personal na gamit gaya ng make-up, damit at tuwalya. Karamihan sa mga karamdaman sa balat ay maiiwasan kung ikaw ay magiging mas malinis sa iyong pangangatawan.