Mahahalagang Impormasyon Tungkol sa mga Sintomas ng Pulmonya

Alam mo ba na ang pneumonia o pulmonya ang itininuturing na Number 1 silent killer ng tao, lalo na ng mga bata? Kumpirmado ito ng World Health Organization (WHO) na nagsabing ang karamdamang ito ang pangunahing dahilan kung bakit napakaraming mga bata sa buong mundo ang namamatay.

Sa katunayan, tinatayang aabot sa 150 milyong kaso ng pulmonya na ang naitala ng WHO. Huwag kang mabahala sa sakit na ito bagama’t naturingang silent killer.

Tutulungan ka ng artikulong ito para mas maunawaan pa ang sakit, mga sanhi at sintomas nito, paano ito gagamutin, at paano maiiwasan.

Ano ang pulmonya?

Ang pulmonya ay isang sakit na may kaugnayan sa impeksyon sa baga o bahagi ng respiratory system dulot ng virus, parasites of fungi, bacteria, o ang pagpasok ng mga irritants sa baga katulad na lamang ng pagkain, kemikal, o alikabok na nagdudulot ng pamamaga ng sistema.

Ang pulmonya ay isang karamdamang maaaring maiwasan at maaari ring magamot.

Karaniwang nag-uumpisa ang pulmonya sa kapag ang isang tao ay nakalanghap ng mikrobyo patungo sa kanyang baga. May posibilidad na tumaas ang tsansang makakuha ng pulmonya matapos magkaroon ng trangkaso.

Malaki rin ang tsansang makga-pulmonya ang isang taong mayroon nang sakit na pangmatagalan gaya ng diabetes, sakit sa puso, hika o cancer.

Ano ang sanhi ng pulmonya?

Maaari mong makuha ang pulmonya sa pamamagitan ng parasitiko, virus o fungus. Sa lahat ng mga bacteria, ang organismong nagdudulot ng pulmonya ay ang tinatawag na mycoplasma at streptococcus.

Para naman sa mga virus, ang influenza, maging ang respiratory syncytial virus (RSV) naman ang nagiging sanhi ng naturang karamdaman. Para sa mga bata lalo na sa mga sanggol na mahina ang immune system, may posibilidad na maging sanhi ng pulmonya isang uri ng organism tulad ng pneumocystis jiroveci. Ito ang uri ng organismong nagdudulot ng paulit-ulit na pag-atake ng sakit sa mga pasyente ng HIV.

Ano ang mga sintomas ng pulmonya?

Ang pag-ubo at kahirapan sa paghinga na may kasamang mataas na lagnat ay mga sintomas ng pagkakaroon ng pulmonya na hindi mo dapat pabayaan.

Maraming sintomas ng pulmonya na maaaring maramdaman kung ikaw ay mayoroon nito. Mahalagang malaman mo ang mga indikasyo para malaman mo rin kung ano ang tamang gamot na dapat subukan at inumin. Narito ang mga pangkaraniwang sintomas ng pulmonya:

  • Ang pag-ubo ng may halong plama o uhog na nanggagaling sa baga na may posibilidad na kalawangin, o di kaya naman, ay uhog na berde o may halong dugo ang kulay
  • Mataas ang lagnat
  • Mabilis at kinakapos sa paghinga
  • Malalang panginginig na may kahalong pangangatal ng ngipin na puwedeng minsan lang kung mangyari, o, maaari rin namang mapadalas
  • Unti-unting pagkulay-asul ng mga labi at kuko
  • Sumasakit ang dibdib at lumalala pa ito sa tuwing uubohin

Ano ang gamot sa pulmonya?

Maaari namang gamutin o patayin ang bacteria na dala ng pulmonya sa pamamagitan ng antibiotics na dapat inumin ayon sa schedule nakalagay sa reseta ng doktor. Bukod dito may ilan pang mga gamot na puwedeng makatulong para guminhawa ang pakiramdam ng sintomas ng pulmonya.

Una na rito ang gamot sa ubo na puwedeng makapagpaluwang ng mga likidong nasa baga. Nariyan din ang antipyretics tulad ng acetaminophen at ibuprophen na puwede namang makapagpababa ng lagnat. Confinement naman ang solusyon kapag ang kundisyon ng pulmonya ay dumapo sa bata o sanggol na wala pang dawalang buwan ang edad, kapag hirap nang huminga, kakulangan sa tubig o dehydration, at mababa ang lebel ng oxygen.

May mga natural ding panlunas para sa pulmonya. Ang mga pamamaraang ito ay maaaring gawin lamang sa bahay. Una, kumain ng pagkaing may sabaw gaya ng molo o nilaga para mahugasan ang bacteria o toxin sa iyong katawan. I-warm compress ang dibdib, kung bata ang pasyente at nakakaranas ng paninikip ng dibdib. Higit sa lahat, siguraduhing inumin ang gamot sa tamang oras.

Paano makaiiwas sa pulmonya?

Ang pagpapabakuna laban sa pulmonya ang pinakamabisang paraan upang makaiwas sa pagkakaroon ng pulmonya.

Maari mong maiwasan ang pagkakaroon ng pulmonya. Maging ang iyong mga mahal sa buhay ay maaari mong mailigtas sa pagkakaroon ng ganitong karamdaman. Una, makakatulong sa pagpigil ng pagdapo ng pulmonya sa katawan ang pagpapa-pneumococcal vaccine lalo na kung edad ay higit pa sa 65 taon.

Kailangan mo rin ang bakunang ito kung ikaw ay naninigarilyo kaya naman ay may sakit sa baga o sa puso. Hindi naman garantisado ng vaccine na hindi ka na magkaka-pulmonya. Pero maiiwasan nito ang madaling pagdapo sa iyo ng sakit, paglala at pagkalat nito. Makatutulong din ang Influenza vaccine para mapigilan ang pulmonya.

At higit sa lahat, upang maiwasan ang ganitong sakit, pinakamabuti kung kokonsulta agad sa doktor kapag nakaramdam na ng kahit na ilan lang sa mga naturang sintomas.

Leave a Comment

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Scroll to Top