Sanhi ng Pananakit ng Puson: Bakit Sumasakit Ang Puson Ko?

Ang mga sanhi ng pananakit ng puson ay hindi lang limitado sa pagkakaroon ng dysmenorrhea. Ito ay maaaring dulot din ng ilang seryosong mga karamdaman tulad ng problema sa bato o pantog o cervical cancer, kaya ito ay dapat na hindi mo balewalain!

Madalas bang nananakit ang puson mo? Kung ikaw ay babae at dinadatnan na ng buwanang dalaw, maaari mo itong iugnay sa malapit na pagdating ng period mo. Eh, papaano kung ikaw ay lalaki, o hindi pa dinadatnan ng regla? Hindi ba nakakapagtaka kung bigla na lamang sasakit ang puson mo? Kung makaranas ka ng ganitong sakit, huwag mag-alala.

Tutulungan ka ng artikulong ito na mas maintindihan pa kung ano talaga ang sanhi ng pananakit ng puson, paano ito magagamot, at paano rin maiiwasan. Mahalaga munang malaman kung ano ang karamdamang ito.

Ano ang pananakit ng puson?

Ang pananakit ng puson ay isang sintomas ng isang partikular na kundisyon. Ang pananakit na ito ay maaaring maging napakatindi, anupa’t maaari nitong maapektuhan ang iyong pang-araw araw na mga gawain.

Sa tuwing sumasakit ang puson mo, alam mo ba palagi kung ano ang dahilan ng pagsakit nito? Siyempre pa, regla ang unang-unang iisipin mong dahilan lalo na kung ang sakit ay naranasan mo bago, o habang may menstruation ka na.

Karamihan sa mga babae ay nakakaranas ng pananakit ng puson sa isa o regular na panahon sa kanilang buhay. Kadalasan, itinuturing itong normal o ordinaryong sakit na lamang. Walang eksakto o sayantipikong eksplanasyon ang sakit na ito pero hindi ibig sabihin ay dapat itong ipag-walang bahala. Hindi dapat tahimik na tiisin ang pananakit ng puson.

Maaari itong maging malala lalo na kung madalas ay hindi na makapagsalita, makapaglakad o makatayo sa tuwing sumasakit ang bahaging ito ng katawan. Dapat pa nga ay kumonsulta na sa doktor kapag kakaiba na ang nararamdamang sakit.

Ano ang sanhi ng pananakit ng puson?

Ang mga sanhi ng pananakit ng puson ay hindi lang limitado sa pagkakaroon ng pananakit na dala ng buwanang regla. Ito ay maaaring dulot din ng ilang seryosong mga karamdaman tulad ng problema sa bato o pantog o cervical cancer, at iba pa.

May iba’t-ibang dahilan o sanhi ng pananakit ng puson. Huwag makampanteng dahil kadalasan, ito ay itinuturing lamang na ordinaryong sakit, ay hindi mo na ito bibigyan ng pansin. Kung minsan, ang inaakala mong pangkaraniwang sakit ay maaari na palang magdulot pa ng panganib pag hindi ito naagapan. Bukod sa dysmenorrhea, narito ang ilan pa sa mga sanhi:

  1. Problema sa bato o pantog – Ito ay posibleng maging sanhi ng malubhang sakit kung saan ay makakaramdam ka ng pananakit habang umiihi at madalas ang pagpunta mo sa banyo.
  2. Diarrhea at constipation – Lingid sa kaalaman ng marami, ang dalawang uri ng sakit na ito ay posibleng maging dahilan ng matinding pananakit ng puson o balakang.
  3. Cervical cancer – Hindi ito pananakot ngunit maaaring mauwi sa Cervical cancer ang madalas at paglala ng nararamdamang pananakit ng puson. Kapag nakaramdam ng matinding sakit sa balakang, kasabay ng matindi ring sakit sa puson, mainam na kumonsulta na sa doktor para sa mas masusi pang pagsusuri.
  4. Sexually transmitted infection o STI – Ito ay nakukuha sa pamamagitan ng pakikipagtalik.
  5. Ectopic pregnancy – ito ang tawag kapag, sa halip na sa loob ng iyong uterus mabuo ang fetus, ito ay nabubuo sa labas nito. Kadalasan, ang pananakit ng puson na ito ay may kasabay nang pagdurugo.

Ano ang mga sintomas ng pananakit ng puson?

Ang pananakit ng puson ay isang sintomas na kung minsan ay sinasabayan din ng iba pang mga sintomas katulad ng pananakit ng ulo, mood swings, pagsusuka, at pananakit ng katawan.

Hindi porke pananakit ang puson ang tawag sa sakit na ito ay, tanging puson lamang ang sasakit o sumasakit sa iyo. Madalas, may kasabay ding pananakit ng iba pang uri ng katawan lalo na kung ang sanhi ng pananakit ng puson ay dysmenorrhea.

  • Pananakit ng ulo – kadalasan, ang uri ng pananakit na ito ay nangyayari ng walang dahilan. Magtataka ka nalang kung bakit masakit ang ulo mo, eh, hinid ka haman puyat, o hindi ka naman nagbasa ng napakaraming babasahin.
  • Pagdanas ng mood swings o pagiging moody – Kung minsan, naihahalintulad din ang mood ng isang taong masakit ang puson, sa babeng naglilihi. Madalas, nawawala ka sa mood ng wala namang dahilan. Ang hindi komportableng pakiramdam ng katawan o pananakit ng puson ang siyang nakapagpapawala ng mood mo.
  • Nagsusuka – Ang pagsakit ng puson ay ‘tila pangangasim na rin ng sikmura kaya minsan may kasabay na itong pagsusuka. Madalas na mangyari ang ganitong pagsusuka sa mga nagdi-dysmenorrhea.
  • Sumasakit ang katawan – Kapag matinding-matindi na ang pananakit ng puson, may mga pagkakataong ang ibang bahagi ng katawan ay sumasakit na rin. Kung ang sakit ng puson ay dulot ng dysmenorrhea, ang kadalasang sumasakit na iba pang parte ng kataway ay ang ibabang bahagi nito tulad ng balakang, hita, tuhod at paa.
  • Tinatamad gawin ang mga nakasanayan nang aktibidades – Dahil nga sa sobrang sakit ng puson, hindi maka kilos ng maayos ang isang tao. Madalas pa nga, siya ay nakahiga lamang at hindi makabangon sa tindi ng sakit.
  • Nakakaramdam ng pagka-bloated – Isa ito sa mga pinaka-karaniwang nararamdaman ng isang taong may matinding pananakit ng puson – ang pakiramdam na pagiging bloated. Kung nakaranas ka na nito, naiintindihan mo kung ano ang ibig sabihin ng ‘feeling bloated’. Ito iyung pakiramdam na, hindi ka naman kumain pero pakiramdam mo busog ka at punong-puno ang tiyan mo. Ang too, nasa puson ang bigat ng pakiramdam na iyon.

Ano ang gamot sa pananakit ng puson?

Ang pag-inom ng gamot sa pananakit o pain reliever na nabibili ay nakatutulong upang maibsan ang sakit sa puson. Pero tandaan na ang pananakit ng puson ay sintomas lamang ng isang partikular na kundisyon kaya dapat na matukoy ang talagang dahilan ng pananakit.

Madalas, dahil ang pananakit ng puson ay ordinaryong sakit na lamang, hindi na ito iniinuman ng gamot lalo na kung ang sanhi a dysmenorrhea. Subalit rekomendado ng mga medical experts ang mga tinatawag na nonsteroidal anti-inflamatory drugs (NSAIDs) katulad ng Mefenamic Acid na nabibili sa botika na may doses na 250mg at 500mg.

Makakatulong ang Mefenamic Acid at mga kauri nito gaya ng Ibuprofen sa pagpapababa at pagpapabagal ng production ng prostaglandin sa katawan. Ang resulta? Mas mababawasn ang pananakit ng puson at makakaramdam ng ginhawa na nagmumula sa iba pang indikasyon ng dysmenorrhea.

Ang pag-inom ng gamot ay nakatutulong sa nararamdamang sakit sa puson. Mainam na magkaroon ng talaan o tinatawag na ovulation calendar upang maitala ang mga araw sa menstrual cycle mo. Ang ganitong gawi ay makatutulong sa iyo upang mas madali pang tukuyin ang mga araw na dapat inumin ang naturang gamot, bago pa mag-umpisa ang dysmenorrhea. Uminom ng isang tableta ng Mefenamic Acid kada walong oras.

Paano makaiiwas sa pananakit ng puson?

Ang regular na pag-eehersisyo at pag-inom ng maraming tubig ay makatutulong upang makaiwas sa mga sakit na konektado sa pananakit ng puson.

Maraming paraan para makaiwas sa matinding pananakit ng puson. Isa na rito ang pag-e-ehersisyo. Regular itong gawin para sa pagdating ng period, mas maluwag na ang pakiramdam at bababa ang tsansa ng pagsakit.

Kapag sinabing regular exercise, ang ibig sabhin nito ay araw-araw na pag-eehersisyo. Kung hindi mo kaya ng araw-araw, puwede rin namang 3x a week na 30 hanggang 45 minuto kada ehersisyo.

Uminom din ng maraming tubig. Ang tubig, lalo na’t maligamgam, ay nagdudulot ng mabuting pakiramdam.

Leave a Comment

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Scroll to Top