Naranasan mo na bang magtae in public place? Pahirap, di ba? Ito ang isa sa mga karamdamang tiyak na hate na hate ng nakararami dahil sa hindi komportableng pakiramdam na dulot nito.
Hassle talagang maituturing ang pabalik-balik sa banyo lalo pa’t nasa pampublikong lugar ka gaya ng mall, palengke o simbahan. Lahat ng tao ay nakaranas na ng pagtatate. Maging ang mga bata ay nakaranas na nito.
Dahil dito, naituturing nang ordinaryong sakit na lamang ito. Pero hindi ibig sabihin ay dapat mo na itong bale-walain. Sa katunayan, dapat malaman kung ano ang pagtatae, mga sanhi at sintomas nito, kung paano ito malulunasan, at paano rin maiiwasan.
Ano ang pagtatae?
Ang pagtatae ay paglabas ng dumi na sobran lambot o matubig. Tinatawag ding diarrhea, ang sakit na ito at sobrang pahirap sa mga indbidwal na nakararanas nito.
Katulad ng nabanggit, ang pagtatae ay isang ordinaryong karamdamang madalas ay hindi naman dapat ipag-alala. Ang karamdamang ito ay madalas na umaabot ng hanggang 3 araw depende sa pangangatawan ng nakakaranas nito, o sa sanhi ng kaniyang pagtatae.
Kung kailangan na itong gamutin, may mga over-the-counter medicines na mabibili at maaaring inumin. Ang ibig sabihin, hindi mo na kailangan pang kumonsulta at magpareseta sa doktor para makabili ng mga naturang gamot.
Ano ang sanhi ng pagtatae?
Ang pagtatae ay maaring sanhi ng virus na nakakapasok sa digestive system ng isang tao. Ayon sa mga dalubhasa, ito ay tnatawag ding ‘intestinal flu’ o ‘stomach flu.’
Ilan pang mga dahilan ng pagtatae ay ang allergic reaction sa isang pagkain o ang pagkain ng Ihindi kasundo ng digestive system; impeksiyong dulot ng bacteria o kilala rin bilang ‘food poisoning’, at sobrang paggamit ng mga gamot tulad ng antibiotics na hindi kasundo ng tiyan.
Ano ang mga sintomas ng pagtatae?
Maraming sintomas ang pagtatae. Bukod sa malambot na dumi at madalas na pagdumi, maaari ring makaranas ng pananakit, paninigas at paglaki ng tiyan na may pakiramdam ng pagkulo sa loob, pagkahilo at minsanang pagsusuka.
Kung malala na, may nahahalong mucus o dugo sa dumi, mabilis na bumababa ang timbang, at tumataas ang lagnat.
Dapat nang maalarma kung ang nakakaranas ng pagtatae ay isang sanggol o batang maliit. Kalag ganito na ang nangyari, kailangan nang kumonsulta sa doktor lalo pa’t halos maitim na ang ihi ng sanggol o halos hindi na siya makaihi. Kapag mabilis na ang tibok ng puso ng isang bata, masakit na ang kaniyang ulo at nanunuyo na ang balat isa na rin itong indikasyon ng malalang diarrhea at kailangan na ng propesyonal na tulong.
Ano ang gamot sa pagtatae?
Kapag nagtatae, mahalagang manatiling hydrated ang isang pasyente lalo na’t ito ay bata. Karaniwang ibinibigay sa ganitong pagkakataon ang ORS o oral rehydration solution tulad ng Pedialyte.
Ito ay ibinibigay upang mapigilan ang dehydration at magkaroon ng replacement ang nawawalang electrolytes sa katawan. Kung naman ganoong kalala ang kondisyon, madalas ay mga over-the-counter na gamot sa pagtatae ng bata lamang ang ibinibigay tulad ng tablet o liquid man. Kapag bata ang nagtatae, importanteng ikonsulta muna sa doktor kung an ang gamot na ipapainom.
Narito ang mga rekomendadong pagkain na maaaring makatulong sa pagtatae:
- Saging
- Kanin
- Tinapay na walang palaman
- Applesauce
Ngunit hindi naman kinakailangang ito lang ang dapat na kainin. Pero ang mga nabanggit ay lubang makatutulong para maibsan ang mga sintomas ng pagtatae. Pero, kapag bata ang nagtatae at may kasabay na itong pagsuka, hindi nirerekomenda ng mga doktor ang pagkain ng saging.
Mas mainam ang mashed potatoes na walang halong butter ar gatas, plain oatmeal at unsalted crackers. Bagama’t tinuringang healthy food, umiwas muna sa mga fiber-rich food tulad ng bran at brown rice, maging ng mga matatamis at mamantikang pagkain.
Umiwas din muna sa pagkaing maaaring makapagpalala ng pagtatae tulad ng berries, berde at hilaw na gulay, maaanghang na pagkain, cauliflower, repolyo, mais at beans.
Isa sa mga maaring gawin para maibsan ang pagtatae ang pagpapahinga at pagliligo. Kung ikaw ay may bath tub sa bahay, magbabad ng ilang minuto at siguraduhing maligamgam ang tubig na gamit. Ito ay makakatulong para guminhawa ang pakiramdam.
Puwede rin kasing mairita ang puwit sanhi ng madalas na paghuhugas. Matanda man o bata, tiyak na magdudulot ng sarap sa pakiramdam ang pagbababad sa tubig upang makapag-relax at mawala ang ano mang dryness o rashess na nabuo dulot ng dalas ng paghuhugas.
Huwag na huwag mong kukuskusin ng tuwalya ang puwit ng baby o ng bata. Sa halip, dampian lamang ito ng tuyong tuwalya at lagyan ng cream tulad ng petroleum jelly ang apektadong parte. Ipahinga muna ang bata pansamantala sa disposable diaper upang hindi makulog at magpawis.
Paano makaiiwas sa pagtatae?
Ang pagpapanatili ng kalinisan at pagkain ng malulusog na pagkain ang siyang pangunahing paraan ng pag-iwas sa pagtatae.
Ang mga matatanda at bata ay pawang maaaring makakain ng mikrobyo na puwedeng magdulot ng pagtatae kapag ang dumi ay nailipat sa pagkain, inuming tubig, gamit sa pagkain, kamay o maging sa proseso ng paghahanda ng pagkain. Narito ilan sa mga pamamaraan para maiwasan ang pagtatae:
- Dalasan ang paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at tubig. Maari ring palitan ang sabon ng abo na mainam gamitin kasabay ng pagbanlaw ng tubig matapos dumumi, bago hawakan o maghanda ng pagkain, bago magpakain ng bata at maging, bago kumain.
- Panatilihing malinis ang bahay at turuan ang mga bata ng wastong paghuhugas ng kamay at kung gaano ito kadalas lalo na pagkatapos dumumi at bago kumain.
- Siguraduhing maitapon ang lahat ng dumi, maging ang sa sanggol at sa bata, sa banyo o ibaon ang mga ito sa lupa.
- Siguraduhing palagning malinis ang inumin.
Importanteng hugasan muna, balatan o lutuin nang mabuti ang lahat ng pagkain. Para sa mga gulay at prutas, balatan ang mga ito at hugasan nang mabuti gamit ang malinis na tubig lalo na kung ang mga ito ay kakainin ng bata nang hilaw.
Ihanda at lutuin nang mabuti ang pagkain bago kainin. Kapag napabayaan ang pagkain, ito ay maaaring dapuan ng mikrobyo at magdulot ng pagtatae. Tandaang makalipas ang dalawang oras mula sa pagluluto, ang nilutong pagkain ay hindi la ligtas kainin.
Maliban na lamang kung ay pananatilihing mainit. Kapag may tirang pagkain, siguraduhing maibaon, masunog o maitapon nang ayos para hindi na langawin at kumapat pa ang sakit.