Ang bungang araw ay kadalasang dumadapo sa mga batang maliliit. Kaya naman ang mga bulilit na ito ay talaga namang kawawa sa tuwing sila ay tinatamaan ng ganitong sakit na tinatawag ding heat rash. Bagaman kusa itong nawawala, makatutulong ang pagpapanatili ng tamang bintilasyon
Hindi lang sobrang kati ng bungang araw, nakakaranas din ng pamamaga at pamumula sa buong katawan ang taong mayroon nito. Kung ayaw mong makaranas ang anak mo ng ganitong sakit sa balat, basahin ang artikulong ito hanggang sa huli.
Dito, madidiskubre mo ang ilang mahahalagang impormasyon kasama na ang mga epektibong gamot sa bungang araw.
Ano ang bungang araw?
Ang bungang araw ay maliliit na mga rashes sa balat ni baby na kilala rin sa mga tawag na pricky heat, milliaria o heat rash.
Trabaho ng balat ang protektahan ang panloob na parte ng katawan laban sa mga delikadong elemento sa kapaligiran. Ang balat ay nagsisilbi rin bilang panangga laban sa mga bakterya na nagdudulot ng impeksyon, sa mga iba’t-ibang uri ng chemicals, maging ng mapanirang ultraviolet light.
Isa sa mga paraan upang mapalamig ang balat ang pagpapawis. Pinalalabas ng pawis ang sweat glands na siyang pumapalibot sa buong katawan maliban sa mga panloob na bahagi ng tainga at kuko. Kaugnay nito, ang sweat glands ay natatagpuan sa loob na parte ng balat. Ito ay kontrolado ng parte ng utak na siyang tumatantiya sa init ng katawan ng tao.
Samantala, ang pawis ay lumalabas sa balat ng tao sa pamamagitan ng mga maliliit na butas. Ang bungang araw ay lumalabas kung ang maliliit na butas ng ating balat na daanan ng pawis bumabara kaya naman ang pawis ay hindi nakakalabas ng ayos.
Kapag ang ganitong pagganap ay nangyari, nagkakaroon ng kaunting pamamaga o rashes sa katawan. Ito ay tinatawag na bungang araw na kilala rin sa salitang Ingles bilang pricky heat, milliaria o heat rash.
Ano ang sanhi ng bungang araw?
Iritasyon sa balat ang pangunahing sanhi ng pagkakaroon ng bungang araw.
Kung minsan, nagigising nalang tayo (o ang ating mga anak) na may makati at mahapdi na sa ating katawan partikular na sa likurang bahagi ng katawan. Alam mo ba kung saan nagsisimula ang bungang araw mo? Ang sanhi ng sakit na ito sa balat ay iba-iba. Narito ang ilang mga kadahilanan:
- Ang balat mo sa kilikili, singit at leeg ay dumidikit na sa balat ng iba pang mga parte ng katawan mo kaya naman wala nang sapat na daluyan ng hangin sa mga parteng ito ng katawan at hindi kaagad na natutuyo ang pawis.
- Madalas na masikip ang suot na damit na nagiging dahilan ng pawis na hindi kaagad natutuyo.
- Nagsusuot ng sobrang kapal na damit.
- Gumagamit ng makapal na lotion o cosmetic product na nagiging sanhi ng pagbara sa daanan ng pawis.
Ano ang mga sintomas ng bungang araw?
Ang pangunahing senyales o sintomas ng bungang araw ay ang mga rashes sa balat na mapupula na may kasamang pangangati.
Ang ganitong mga sintomas ay bunsod ng namamagang epidermis o pang-ibabaw na mga layer ng balat. Ang mga sintomas ng karamdamang ito ay parehas lamang ng sa mga bata at matatanda.
Ang kaibahan lang, ang mga bata, lalo na ang mga sanggol ay walang kakayahang sabihin ang kanilang pakiramdam. Ito ang nagiging dahilan ng pagiging sobrang irritable kumpara sa mga panahong wala silang nararamdaman.
Ano ang gamot sa bungang araw?
Kusang nawawala ang bungang araw kapag nakabalik na sa dating temperatura ang iyong balat. Ngunit sa mga kasong ang mga sweat glands ay naimpeksyon, kakailanganin na ng gamot ang bungang araw.
Ang mga senyales ng impeksyon ay pagsakit ng balat, mas tumitinding pamamaga, at pamumulang hindi agarang nawawala.
Ang impeksyong ito puwedeng maranasan kapag ang mga mikrobyo ay nakapasok na sa sweat glands na barado. Sa mga ganitong kaso, pag-inom ng antibiotic ay makakapagpagaling na ng bungang araw. Kapag nagpapabalik-balik ang bungang araw at napapadalas ito, mainam na kumonsulta na sa isang espesyalista o dermatologist para mas makasiguro sa tamang gamot at mga dapat gawin.
Paano makaiiwas sa bungang araw?
Tiyaking palagiang natatamaan ng hangin ang balat ni baby para makaiwas siya sa pagkakaroon ng pahirap na bungang araw!
Bakit pa hahayaang magka-bungang araw kung makakaiwas ka naman dito? Tama ang nabasa mo. Mas makabubuti ang maagang pagkilos para mapigilan ang pagdapo ng bungang araw sa katawan.
Magagawa mo ito sa pamamagitan ng paniniguradong ang balat mo o ng iyong anak ay natatamaan ng sapat na hangin. At, habang ang balat mo ay nahahanginan, mas bumababa ang tsansa ng pagbara sa balat at pamamaga ng sweat glands. Narito ang ilan pang mga dapat gawin:
- Iwasan ang pag-e-ehersisyo kapag humid at sobrang init ng panahon.
- Ugaliin ang pagsusuot ng maluluwag na gamit na gawa sa cotton o breathable fabric.
- Kung kaya ng budget, gumamit ng air conditioner.
- Panatilihing malinis ang katawan sa pamamagitan ng madalas na pagliligo.
- Kung overweight o mataba, piliting mag-bawas ng timbang.