Ang over-the-counter na mga gamot kasabay ng pagkain o pag-inom ng mga prutas o fruit juice na mayaman sa Vitamin C ay ang epektibong mga gamot sa sipon.
Ang sipon na yata ang pinaka-pangkaraniwang sakit hindi lang dito sa Pilipinas, maging sa buong mundo. Kaya naman lahat ng tao, bata man o matanda, ay siguradong nagkasipon na kahit isang beses lang sa kaniyang buhay.
Sigurado ring agree ka rito dahil ikaw man ay sinipon na rin, o baka nga madalas ka pang sipunin. Bilang ordinaryong sakit na lamang, ang paggamot sa sipon kadalasan, ay pangkaraniwan nalang din. Pero hindi ito dapat ipagwalang-bahala dahil kapag napabayaan, ito ay maaring lumala at maging mas seryoso pang karamdaman. Alamin sa artikulong ito kung anong lebel ng sipon ang dapat nang lapatan ng masusing panggagamot at paano ito maiiwasan.
Ano ang sipon?
Ang sipon na tinatawag ding karaniwang sipon ay ang kadalasang dulot ng iba’t-ibang mga klase ng virus, allergy, pabago-bagong panahon kasama na ang sobrang paglamig nito. Bagama’t naturingan nang ordinaryong sakit, maaari ring magkaroon ng masamang epekto ang sipon at puwede itong madulot ng iba’t-ibang klaseng komplikasyon sa kalusugan ng tao.
Mas mainam pa ring lapatan ng lunas at maiwasan ang sipon kahit pa sa tingin mo ay normal lang ito at hindi naman dapat ikabahala. Kung madalas kang magkasalkit at kailangan mong uminom ng gamot, madidiskubre mo sa artikulong ito ang mga mahahalagang impormasyon na tiyak na makatutulong sa iyong health condition.
Ano ang sanhi ng sipon?
Ang sakit na sipon ay kadalasang dulot ng mga mikrobyo tulad ng virus at bacteria. Sa maraming mga pagkakataon, ang allergens ay nagdudulot din ng sipon at mga sintomas na kasama nito.
Maraming dahilan kung bakit nagkakasipon ang isang tao. Araw-araw naman, ang isang tao ay naglalabas ng mucus o sipong malabnaw mula sa sinus sa ilong. Ito ay isang napakahalagang proseso na kailangan para manatiling basa ang loob ng ilong at malinis ang hanging nilalanghap.
Ngunit kapag ang isang tao ay may sipon nagkakaroon ng pagbabago sa mucus production sa kaniyang ilong at ito ay dumodoble at sumosobra. Narito ang ilan sa mga sanhi ng pagkakaroon ng sipon:
- Allergens – Ang pagpasok nito sa ilong, maging ang pagresulta sa allergy ay karaniwang nagiging sanhi ng sipon. Halimbawa ng mga allergens ay usok, pollen ng halaman o bulaklak, alikabok at balahibo ng hayop.
- Virus – Sa lahat ng mga sanhi, ito ang pinakakaraniwan. Nakakapasok ito sa katawan ng isang tao sa pamamagitan ng ilong, bibig at mata. Ito rin ay kumakalat sa pamamagitan ng hangin sa tuwing ang isang taong may sakit ay sumisinga, nagsasalita o umuubo.
- Bacteria – Kapag ang naging sanhi ng sipon ay bacteria, asahang ang mucus na ilalabas mo ay dilaw o berde ang kulay at makapal.
Ano ang mga sintomas ng sipon?
Ang baradong ilong, madalas na pagbahin at pangangati ng lalamunan ay madalas na sintomas ng isang taong may sipon. May mga pagkakataon ding may kasamang lagnat ang sakit na ito.
Ilang araw makalipas ang padapo ng mga naturang sanhi ng sipon, lalabas na ang mga sintomas nito. Matutukoy mo ang pagkakaroon ng ganitong sakit at kakailanganin nang lapatan ng lunas kapag naramdaman mo na ang mga sumusunod na sintomas:
- Pagbara sa ilong
- Tuloy-tuloy o madalas na bahin
- Nangangati ang lalamunan
Ang mga susunod na sintomas ay maaari mo ring maranasan pero hindi naman ibig sabihin nito ay lumalala na ang karamdaman mo at hindi na lang ito sipon:
- Lagnat
- Pananakit ng ulo
- Pag-ubo
- Namamagang lalamunan
- Nanankit ang muscles o kalamnan
- Nawawalan ng gana sa pagkain
Ano ang gamot sa sipon?
Ang pag-inom ng over the counter na gamot sa sipon pa rin ang pinaka-epektibo upang malunasan ang nakakainis na mga sintomas ng sipon.
Sa kasalukuyan, walang partikular na gamot para atakihin ang mismong virus na nagiging dahilan ng pagkakaroon ng sipon.
Ito ay dahil sa kusa namang nawawala ang virus. Uminom ka man o hindi ng gamot sa sipon, gagaling din ito. Kadalasan, pag-inom lang ng maraming tubig at fresh fruit juices ang inirerekomenda ng doktor.
Pero kung sobra nang nakakaabala sa iyo ang sipon mo, makakabili ka naman ng mga over-the-counter medicines na maaari mong inumin para maibsan ang pakiramdam katulad na lamang ng decongestant.
Ang iba naman ay umiinom ng antihistamine para guminhawa ang pakiramdam. Pero dapat lang tandaan, na ang mga gamot na ito ay panandalian lang ang epekto sa kahit na sino.
Paano makaiiwas sa sipon?
Panatilihin ang kalinisan upang makaiwas ka sa pagkakaroon ng sipon!
Katulad ng nabanggit na, ordinaryo na lamang kung maituturing ang sipon. Pero puwede mo namang maiwasan ang pagpapabalik-balik nito ng madalas at paulit-ulit. Narito ang ilan sa mga dapat gawin para iwasan ang sakit:
- Manatili lang sa bahay at huwag papasok sa trabaho o klase kapag masama ang pakiramdam.
- Iwasan ang physical contact kagaya nalamang ng pagyakap o pakikipagkamay sa taong maysakit.
- Laging mag-disinfect sa mga pampublikong lugar kung saan may posibilidad ang pagkalat ng virus.
- Kapag may sipon na, lumayo na kaagad sa mga tao para maiwasan ang pagkalat pa ng virus. Hayaan mo munang gumaling ang sakit bago makihalubilo uli sa ibang tao.