Mga Gamot sa Tonsil na Dapat Subukan

Sumasakit ba ang lalamunan mo? Hirap ka bang lumunok? Marahil ay hindi mo alam kung ano ang dahilan ng pananakit at hirap na nararamdaman mo. Hindi mo rin siguro alam kung ano ang gagawin para maibsan ang pakiramdam.

Pangkaraniwan na ang pagsakit ng lalamunan lalo na’t napakaraming klase na ng throat infection ang maaaring makuha ng isang tao. Napakalaki rin ng tsansang magkaroon na ng ubo o sore throat ang isang tao, o kaya naman ay laryngitis at tonsillitis.

Alamin sa artikulong ito kung ano nga ba ang throat condition na ito, mga sanhi at sintomas nito, at mga gamot at paraan kung paano maiiwasan ito.

Ano ang tonsilitis?

Ang tonsils ay ang dalawang hugis-bilohaba na tissue na matatagpuan sa magkabilang gilid ng likod na bahagi ng lalamunan. Ikaw ay may tonsilitis kung ang iyong mga tonsils ay namamaga.

May paraan para masiguro mo kung tonsillitis nga ang sakit kung ikaw ay kukuha ng isang kutsara at ilalagay ang hawakan nito sa dila at sambitin ang “aaaah”. Ilawan ang iyong lalamunan. Kung makikitang namumula at maga ang tonsil, kailangang kumonsulta na sa doktor para malaman kung ano ang tamang gamot sa tonsil na dapat mong inumin para gumaling.

Ano ang sanhi ng tonsil?

Madalas, viral infection ang nagiging dahilan ng pagkakaroon ng tonsillitis, pero may mga kaso ring bacterial infection ang nagiging sanhi nito.

At dahil may iba’t ibang sanhi ang tonsillitis, ang gamot ay depende rin sa dahilan ng pagkakaroon ng ganitong sakit. Ilan pa sa mga pangkaraniwang sanhi ng tonsillitis ang mga sumusunod:

  1. Sobrang lamig ng ininom na likido o kinaing pagkain
  2. Nasobrahan sa kinaing matamis tulad ng tsokolate at candy
  3. Sobrang taas ng lagnat
  4. Sobrang sipon at ubo

Ano ang mga sintomas ng tonsil?

Ang pamumula at pamamaga ng mga tonsil kasama na ang masakit na lalamunan ay pangunahing mga sintomas ng tonsillitis.

Madalas, ang mga batang ang edad ay nasa pagitan ng pre-school at mid-teenage years ang dinadapuan ng sakit na tonsillitis. Kabilang na sa mga sintomas nito ang mga sumusunod:

  • Pamumula at pamamaga ng tonsils
  • May madilaw, maputi o patse-patseng nakabalot sa tonsils
  • Dumaranas ng sore throat
  • Nilalagnat
  • Masakit ang lalamunan at hirap lumunok
  • May mabahong hininga
  • Masakit ang tiyan na kadalasang nararamdaman ng mga bata
  • Pananakit ng ulo
  • May mga lymph nodes sa may gilid ng leeg

Kapag ang mga naturang sintomas ay hindi hawawala at ang sakit ng lalamunan ay tumagal na ng hanggang 48 hours, kailangan mo nang kumonsulta sa doktor. Ganoon din ang dapat gawin kung hirap na sa paglunok at nakakaramdam na ng sobrang panghihina ng katawan.

Ano ang gamot sa tonsil?

Ang gamot sa tonsil ay depende sa uri ng infection na dumapo sa tonsil mo. Maaaring magbigay ang doktor ng antibiotic, antiviral at iba pa depende sa sintomas at sanhi nito.

Para sa bacterial infection madalas na inirereseta ng doktor ang antibiotic na karaniwang iniinom sa loob ng sampung araw. Siguraduhing kumpleto ang pag-inom ng gamot sa tonsil na may impeksyon. Kung hindi magagamot o maaagapan, ang tinatawag na strep ay may posibilidad na magresulta ng abscess o kaya naman ay isang kondisyon sa puso na tinatawag na rheumatic fever.

Kung viral infection ang dumapo sa tonsil mo, kailangan mo lang pahupain o palipasin ang mga sintomas para maibsan ang pakiramdam mo. Ang doktor mo ay maaaring magrekomenda ng ibuprofen o acetaminophen bilang mabisang gamot sa tonsil. Kung bata ang may tonsillitis, huwag siyang bibigyan ng aspirin dahil may kaugnayan ito sa tinatawag na Reye’s syndrome, isang kondisyong itinuturing na life-threatening.

Mayroon ding mga natural remedy na maaari mong subukan. Isa na rito ang pagmumumog ng tubig na maligamgam na may asin ng tatlong beses dada araw. Kung may nana na ang tonsil, mas mainam kung kokonsulta na sa ENT o ear, nose and throat doctor para mas masuri pa at matulungan kang ma-drain ang nana sa lalamunan kung kinakailangan.

Paano makaiiwas sa tonsil?

Ang pagpapanatili ng kalisinan ng pangangatawan lalo na ang tamang paghugas ng mga kamay ay siyang pinakamabisang paraan upang makaiwas sa pagkakaroon ng tonsillitis.

Bagama’t pangkaraniwan na at lahat na ng tao marahil, ay nagkaroon na ng tonsillitis, may mga paraan naman kung paano ka makakaiwas dito. Hindi mo kailangang gumastos ng malaki para lang makasigurong hindi ka basta-basta magkaka-tonsillitis.

Hindi mo rin kailangang maging dalubhasa para matutunan ang mga pamamaraan. Simple lang ang mga ito. Una, maghugas ka ng kamay palagi. Ito ang pinakamabisang paraan para maiwasan ang pagkalat ng impeksyon, virus at bacteria na nagiging pangunahing sanhi ng pamamaga ng tonsils.

Umiwas ka rin sa pakikisalamuha sa mga taong posibleng may strep throat mas lalo pa sa mga taong hindi nakainom ng karampatang gamot sa tonsil tulad ng antibiotic sa loob ng nakalipas na 24 oras.

Leave a Comment

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Scroll to Top