Karamihan sa atin, kung hindi man lahat tayo ay nakaranas na ng sore throat o makating lalamunan. At madalas, ang mabisang gamot dito ay iyung mga alternatibong solusyon o home remedies lamang.
Pero kahit na hindi nangangailangan ng seryosohang medikal na panlunas ang sakit na ito, importanteng malaman mo ang sanhi at sintomas nito para malaman mo kung anong klaseng panggagamot ang gagawin.
Importante ring malaman mo ang mga paraan kung paano maiiwasan ang makating lalamunan. Matutulungan ka ng artikulong ito na madiskubre ang mga mahahalagang impormasyong kailangan mo.
Ano ang makating lalamunan?
Ang makating lalamunan ay tinatawag ding sore throat o pharyngitis. Ito ay isang uri ng kondisyon kung saan ang iyong lalamunan ay nakakaramdam o nakakaranas ng pananakit kasabay ang pangangati.
May mga pagkakataon ding mahihirapan kang lumunok at minsan pa nga, mahihirapan ka pang magsalita sanhi ng iritasyon.
May dalawang uri ang makating lalamunan o sore throat—ang makating lalamunan na dulot ng bacterial infection o dulot ng viral infection.
Ano ang sanhi ng makating lalamunan?
Ang kadalasang sanhi ng makating lalamunan ay bacterial o viral infection.
Sa mga nabanggit na uri ng makating lalamunan, ang viral infection ang pinaka-pangkaraniwan. Madalas, mas mabilis na gumaling ang makating lalamunang sanhi ng viral infection dahil ito ay kusa lang na nawawala. Narito ang ilan sa mga pinagmumulan ng makating lalamunang dulot ng viral infection:
- Sipon
- Mononucleosis
- Trangkaso
- Bulutong
- Tigdas
- Masamang tunog ng ubo
Iba naman ang mga sanhi kapag bacterial infection ang uri ng pangangati ng lalamunan. Iba’t-iba ang uri ng ganitong klase ng impeksyon pero ang pinakamadalas na nagiging sanhi ay ang streptococcus pyogenes o tinatawag na Group A streptococcus na kadalasang nagiging dahilan ng pagkakaroon ng strep throat. Sa ganitong kondisyon, kakailanganin na ng pag-inom ng gamot gaya ng antibiotics para makaiwas sa posibleng komplikasyon.
Ano ang mga sintomas ng makating lalamunan?
Ang pagsakit o paghapdi ng lalamunan kasama ng pamumula at pamamaga ng tonsil ay siyang pangunahing mga sintomas na kasama ng makating lalamunan o sore throat.
Gayon din sa mga sintomas. Magkakaiba ang mga makikita at mararamdamang indikasyon o sintomas ng makating lalamunan at ito ay naaayon sa pinagmulan o sanhi nito. Narito ang ilan sa mga pangkaraniwang sintomas ng may makating lalamuman:
- Masakit na lalamunan
- Tumitinding hapdi ng lalamunan sa tuwing nagsasalita o lumulunok
- Namamaga ang mga tonsils
- Nahihirapang lumunok
- May namamagang glands o kulani sa panga o leeg
- Namamaos na boses
- Namumuti o nagkakaroon ng nana ang tonsil
Ano ang gamot sa makating lalamunan?
Kadalasan, ang makating lalamunan ay hindi naman dapat ikabahala lalo na kung viral infection lamang ang sanhi nito. Natural remedy lang ang kailangang gawin.
Narito ang ilan sa mga epektibong paraan bilang gamot sa makating lalamunan:
- Sapat pahinga at pag-inom ng tubig na marami – Ito ang pinakamainam na dapat gawin para makabawi ang katawan mo sa ano mang impeksyon o karamdaman tulad na nga ng sore throat o makating lalamunan. Kailangan din ang sapat na pahinga ng lalamunan sa pamamagitan ng hindi masyadong pagsasalita.
- Uminom o mga over-the-counter na gamot tulad ng lozenges – Malaki ang maitutulong ng paggamit ng lozenges para maibsan ang makating lalamunan.
- Uminom ng alternatibong herbal na gamot tulad ng salabat – Matagal nang gawain ang pag-inom ng salabat bilang panglunas sa makating lalamunan. Maaari itong haluan ng honey dahil sa natural antibiotic elements na taglay nito. Importante lang na malaman mo na kung ang may makating lalamunan ay isang batang edad isang taon o pababa, hindi siya dapat painumin ng honey.
- Magmumog ng tubig na maligamgam na may asin – Ang tubig na may asin o saline ay isang mabisang home remedy na puwedeng gamitin bilang gamot sa makating lalamunan. Maghalo lang ng kalahating kutsaritang asin sa isang baso ng tubig na maligamgam at imumog ito ng ilang minuto. Puwede mo itong gawin ng kasa 3 o 4 na oras, o hanggang sa maibsan na ang sore throat. Muli, hindi rekomendado ang pamamaraang ito sa bata.
Paano makaiiwas sa makating lalamunan?
Ang pinaka-mabuting paraan para makaiwas sa sore throat ay ang pagpa-practice ng proper hygiene o kalinisan ng pangangatawan.
Basahin ang ilan sa mga epektibong tips na maaari mo ring ituro sa iba para pati sila ay maiwasan din ang makating lalamunan:
- Maghugas ng mabuti ng iyong kamay at dalasan ang paghuhugas. Gawin ito tuwing bago kumain, pagkatapos mag-banyo, at pagkatapos umubo o bumahing.
- Huwag makikisalo sa mga baso, pagkain at iba pang gamit sa pagkain.
- Gumamit ng tissue sa tuwing ikaw ay babahing o uubo at itapon kaagad ito sa basurahan. Mainam din kung gagamit ka ng panyo para takpan ang bibig sa tuwing uubihin o babahing.
- Kung ikaw ay pupunta o nasa mataong lugar, gumamit ng surgical face mask.
- Kung wala kang mapaghuhugasan ng iyong mga kamay, siguraduhing palagi kang may gamit na alchol-based sanitizer.
- Umiwas muna sa kikihalubilo sa mga taong may sakit.