Ang pagkirot tiyan o ng iba pang bahagi ng katawan malapit sa pusod o sa itaas na parte ng tiyan ang pangunahing sintomas ng appendicitis. Kung hindi mo matiis ang ganitong uri ng pananakit, kailangan mong agad na magpatingin sa doktor.
Ang appendicitis ay hindi na bagong salita sa nakararami. Sa katunayan, maituturing nga itong pangkaraniwan na salita na lamang subalit hindi naman maikokonsiderang ordinaryong sakit. Batama’t lahat ng tao ay mayroong appendix, hindi naman lahat ay nagkakaroon ng appendicitis.
Kung isa ka sa mga nakararaming intersadong magkaroon ng mas marami pang kaalaman tungkol sa karamdamang ito, maainam na basahin ang artikulong ito mula umpisa. Bukod sa mahalagang impormasyon tungkol sa appendicitis, dito, madidiskubre mo rin ang ilan sa mga sanhi, sintomas at gamot ng karamdamang ito, maging ang mga paraan ng pag-iwas dito (o, kung mayroon nga ba?).
Ano ang appendicitis?
Appendicitis ang tawag sa sakit na kung saan namamaga ang appendix ng isang tao.
Ayon sa ilang mga pag-aaral, ang appendix ay may papel na ginagampanan sa immune system ng tiyan ng tao. Pero ang ganitong konklusyon ay hindi pa naman napapatunayang tama. Isang bagay lamang ang maaaring sigurado at ito ay ang posibilidad na maaring mawalan ng appendix ang sino na walang panganib o ano mang kakulangan.
Ang pagdanas ng appendicitis ay isang seryosong kondisyong medikal na kailangan ng agarang lunas. Kapag napabaan ito at hindi kaagad nagamot, maaring pumutok o sumabog ang namamagang appendix. Kapag nangyari ito, maaaring kumalat ang mga materyal na nakakawang sa loob ng tiyan.
Ang pagkalat ng materyal na ito ay maaari ring magdulot ng peritonitis, isang malubhang pamamaga sa lining ng bituka na puwedeng ikamatay ng isang tao, maliban na lamang kung magagamot ito agad ng isang malakas at mabisang antibiotic.
Minsan, ang appendix ay nagkakaroon na ng nana at kadalasan, ito ay tumutubo sa labas ng katawan. Maari rin itong sumabog at magdulot ng peritonitis. Kaya naman, ang kahit na anong uri ng appendicitis ay kinakailangang magamot kaagad at maaaring kailanganin na rin ng operasyong tinatawag na appendectomy.
Ano ang sanhi ng appendicitis?
Lingid sa mga napakaraming mga pamahiin tungkol sa sakit na ito, ang appendicitis ay dulot ng impeksyon sa appendix.
Minsan ka na bang nabiro (lalo na noong bata ka pa) ng matatanda na magkaka-appendicitis ka kapag tumalon ka ng busog? Karamihan naman ay naniniwala dito, hindi ba? Sa katunayan nga, naiuugnay pa ang ganitong gawain sa pangunahing sanhi ng appendicitis. Pero, totoo ba ito?
Naging kasabihan na ng matatanda, maging ng mga bagong henerasyon ngayon na ang nagiging sanhi talaga ng karamdamang ito ay ang paglundag o pagtalon, o kaya naman, ang paggawa ng kahit na anong physical activity matapos kumain.
Paniwala rin ng marami na kapag kumain ang isang tao ng mga prutas tulad ng bayabas at pakwan, ay magkaka-appendicitis siya. Ngunit maging ang mga dalubhasa ay hindi pa matukoy ang katotohanan sa mga sanhing nabanggit, maging ang totoong sanhi ng appendicitis. Isa lang ang sigurado—na ang sakit na ito ay hindi namamana. Hindi rin ito nakakahawa, at hindi nakukuha sa dugo.
Mayroon din namang mga pag-aaral na ang appendicitis ay nag-uumpisa kapag ang nakabukas na bahagi nito ay natabunan. Ang naturang blockage o nakatabon na ito ay maaaring naipon na mucus sa loob ng appendix o duming pumasok sa appendix na nanggaling sa cecum. Ang dumi o mucus na naimbak ay tumitigas na animo’y bato na siyang bumabara o humaharang sa opening. Pagkatapos ng pagsasara o pagkabara sa appendix, ang bakteriya na madalas na nasa appendix ay nag-uumpisa nang umatake dito na nagdudulot ng impeksiyon.
Kapag ang naturang infection ay kumalat na sa tinatawag na ‘wall’ ng appendix, may posibilidad itong pumabog o pumutok. At, matapos ang pagputok, maaari nang kumalat ang impeksiyon sa tiyan. May mga pagkakataong ang katawan ay nagkakaroon ng kakayahang pagalingin ang appendicitis nang hindi na kailangan pa ng operasyon.
Ano ang mga sintomas ng appendicitis?
Maituturing na pangkaraniwan na lamang ang sintomas ng appendicitis. Isa na rito ang pakiramdam ng pagkirot ng bahagi ng katawang malapit sa pusod o sa itaas na parte ng tiyan.
Maaring lumala ang kirot na nararamdaman habang ito ay papababa papunta sa ibabang parte ng tiyan. Madalas, ito ang itinuturing na unang sintomas na nararamdaman. Ang mga sumusunod ay ilan pa sa mga posibleng senyales na makikita sa iyo o mararamdaman mo bilang sintomas ng appendicitis:
- Nawawalan ng gana sa pagkain
- Nahihilo at nagsusuka kapag nag-umpisa nang sumakit ang sikmura
- Namamaga ang sikmura
- Nilalagnat at hindi bababa sa 39 degrees ang temperature
- Hirap hanggang sa hindi makautot
Madalas, ang mga taong dumaranas ng ganitong mga senyales at sintomas ay itinuturing nang pasyenteng may appendicitis. Ilan pa sa mga sintomas na dapat bantayan ay ang pagkirot sa itaas o ibabang parte ng sikmura, puwit at likod.
Maaari ring appendicitis ang sakit mo kung ikaw ay nakakaramdam ng sakit sa tuwing ikaw ay umiihi o kaya naman ay, hirap ka sa pag-ihi. Kung nagsusuka ka at pagkatapos nito ay sumasakit ang iyong tiyan, at nakakaramdam ka rin ng matinding paghilab nito, malaki ang tsansang may appendicitis ka.
Kung naranasan mo na ang alin man sa mga nabanggit dito, mainam na kumonsulta ka na kaagad sa iyong doktor dahil napakahalaga ng oras sa ganitong kondisyon. Kapag mas maagang natuklasan ang appendicitis, mas madali mo itong magagamot o mapapagamot. Hindi rin ito mauuwi sa mas malalang sakit na maaaring magdulot ng kamatayan.
Ano ang gamot sa appendicitis?
Operasyon ang karaniwang ginagawa ng mga doktor bilang gamot sa sakit na appendicitis.
Ang procedure na ito ay tinatawag ding appendectomy na itinuturing na pinaka-panglunas sa ganitong karamdaman. Madalas, ang taong pinagsususpetsahang may appendicitis ay may malaking posibilidad na tanggalan na kaagad ng ng appendix ng doktor upang maiwasan ang pagsabog nito sa loob ng tiyan.
Kung ang appendix mo mayroon nang nana, may dalawang proseso kang maaring pagdaanan. Una, ang agarang pagtanggal muna ng nana, maging ng iba pang tubig na nasa appendix. At pangalawa, ang pinaka-aktwal na pagtanggal ng appendix sa katawan.
Ngunit may mga pag-aaral nan a nagsasabing ang pag-inom ng antibiotic ng isang pasyenteng dumaranas ng acute appendicitis ay puwede nang maging substitute ng operasyon o appendectomy.
Paano makaiiwas sa appendicitis?
Sabi ng mga dalubhasa, wala raw eksaktong paraan na maaaring gawin upang maiwasan ang sakit na appendicitis.
Ngunit hindi ito dapat ikabahala ng nakararami dahil ang appendicitis ay bihira lamang kung dumapo sa katawan ng isang tao lalo na kung siya ay mahilig kumain ng mga fiber-rich na pagkain tulad ng maraming gulay at prutas.